Motornapper nanlaban, tepok sa QC

Motornapper nanlaban, tepok sa QC

June 16, 2022 @ 7:10 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Kamatayan ang sinapit ng isang motornnaper nang piliin nito na manlaban sa mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) nang sitahin ito habang umiihi kaninang madaling araw sa nasabing lungsod.

Inilarawan ni QCPD Dirrctor Remus Medina ang suspek na may taas 5’1”, medium build, nasa edad 30 hanggan 35 , nakasuot ng puting v-neck t shirt, asul na short pants, naka-tsinelas at may tattoo ng ‘’BAHALA NA’’ sa katawan.

Base sa ukat ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 12:30 ng madaling araw (June 16) nang maganap ang enkwentro sa pagitan ng suspek at mga pulis sa paligid ng Quezon City Sports Complex, na matatagpuan sa St. Peter Julian Eymard Drive, Brgy. Kristong Hari, Q.C.

Ayon sa mga nagrespondeng sina Police Corporals Jojo Antonio at Isias Depedro, ng Kamuning Police Station 10 ng QCPD, nagreklamo ang biktimang si James Ralph Enrile na tinangay ng ‘riding-in-tandem’ ang kaniyang sky blue Yamaha Nmax motorcycle sa Palansa St., Barangay Santol, Q.C.

Lumalabas na nagsasagawa ng anti-criminality patrol ang mga operatiba ng PS-11 sa pamumuno ni PLt. Col. Christopher Ian Ang ay naispatan nila ang isang lalaki na walang suot na face mask, at may nakasukbit na baril sa beywang habang umiihi sa sidewalk malapit sa nakaparadang motorsiklo.

Dahil dito ay nilapitan ng mga awtoridad ang lalaki upang sitahin at beripikahin pero biglang bumunot ito ng baril at pinaputukan ang mga pulis.

Naging alerto naman ang mga pulis at agad na gumanti ng putok at bumulagta ang suspek.

Positibo namang kinilala ng biktima na ang napatay na suspek ang isa sa mga tumangay ng kaniyang motorsiklo.

Nasamsam sa crime scene ng SOCO team sa pamumuno ni Captain Michael Jabel ang (1) unit Yamaha NMAX color black, (1) revolver caliber .38 na may limang bala, (3) fired cartridge cases at (1) deformed jacket fired bullet.

Patuloy naman nagsasagawa ng hot pursuit operation upang madalip ang isa pang kasama ng suspek. Jan Sinocruz