Motorsiklo, kotse sapul sa bumagsak na puno

Motorsiklo, kotse sapul sa bumagsak na puno

November 19, 2022 @ 1:18 PM 1 week ago


ILOCOS SUR – Sugatan ang driver ng motorsiklo samantalang masuwerte namang hindi nasaktan o nasugatan ang driver ng kotse at ang dalawa nitong pasahero matapos na tamaan  ng bumagsak na puno ng sampalok ang kanilang sasakyan sa Brgy. Pug-os, Cabugao, ng lalawigang ito kagabi, Nobyembre 18.

Kinilala ng Cabugao Municipal Police Station ang driver ng Honda TMX 125 na si Ace Tortosa y Yadao, 42, walang asawa, delivery boy, residente ng Brgy. Dadalaquiten, Sinait, Ilocos Sur.

Nakilala naman ang driver ng kulay Urban Titanium na Honda City (Sedan) na si Harlo Jay Jabola y Veloso, 36, walang asawa, businessman, residente ng 11  Baguio Diamond Mansions Legarda Burnham Kisad, Baguio City.

Sa imbestigasyon, ang dalawang sasakyan ay parehong patungong hilagang direksyon sa national highway sa naturang lugar.

Tinangka umanong mag-overtake ng kotse sa sinusundan nitong Honda TMX 125 at sa pag-overtake nito, eksakto naman  bumagsak sa kalsada ang puno ng sampalok kaya sapul o tinamaan ang dalawang sasakyan.

Ang driver ng Honda TMX 125 ay nagtamo ng head and body injuries kaya agad na isinugod sa Suero General Hospital sa naturang bayan.

Parehong nagtamo ng heavy damages ang motorsiklo at ang kotse. Rolando S. Gamoso