Motorsiklo sinuwag ng utility vehicle, backride patay

Motorsiklo sinuwag ng utility vehicle, backride patay

March 2, 2023 @ 9:36 AM 4 weeks ago


ILOCOS SUR – Dead on arrival sa ospital ang isang backrider habang sugatan ang kasama nitong driver matapos na aksidenteng masuwag ng utility vehicle ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Brgy. Baliw, Sinait ng lalawigang ito kahapon, Marso 1.

Kinilala ng Sinait Municipal Police Station ang driver ng Honda XRM motorcycle na si Romeo Tumbaga y Tumbaga, 73-anyos, may asawa, residente ng Brgy. Purag ng naturang bayan samantalang ang backrider nito ay nakilalang si Grace Guerrero y Leonador, 44-anyos, residente naman ng Brgy. Sabangan, Sinait.

Nakilala naman ang driver ng kulay puting Isuzu utility vehicle na si Brian Misola y Suarez, 38, may asawa, at residente ng Malabago, Mangaldan, Pangasinan.

Base sa imbestigasyon, ang utility vehicle ay bumibiyahe patungong timog na direksyon nang biglang tumawid sa highway ang Honda XRM na galing naman ng silangang direksyon.

Sinubukan umanong iwasan ng driver ng utility vehicle ang Honda XRM pero nasagi pa rin niya ito.

Ang driver ng motorsiklo na nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan ay agad na isinugod sa Ilocos Sur District Hospital sa naturang bayan samantalang ang backrider nito na nagtamo naman ng head injury ay agad na isinugod sa Corpuz Clinic and Hospital pero idineklarang dead on arrival ng umatending doktor.

Hindi naman nasugatan o nasaktan ang driver ng Isuzu utility vehicle. Rolando S. Gamoso