MOU na magpapalakas sa climate resilience plan ng mga LGU tintado na

MOU na magpapalakas sa climate resilience plan ng mga LGU tintado na

January 27, 2023 @ 8:18 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagkasundo ang Climate Change Commission (CCC) at Local Climate Change Adaptation for Development, Inc. (LCCAD) na palakasin ang kapasidad ng mga local government units (LGUs) na bumuo ng kani-kanilang Local Climate Change Action Plans (LCCAPs).

Sa kalatas na ipinalabas nitong Huwebes, Enero 26, inanunsyo ng CCC na pumirma ng memorandum of understanding (MOU) sina Vice Chairperson and Executive Director Robert Borje at LCCAD Executive Director Manuel Rangasa para mapalakas ang kapasidad ng LGUs na bumuo ng climate resilience plans.

“The MOU enables the CCC and LCCAD to work together in enhancing LGUs’ LCCAPs and integrating these into other local plans, such as the Comprehensive Land Use Plan, the Comprehensive Development Plan and Contingency Plans,” ayon sa CCC.

Kabilang pa sa resulta ng ugnayang ito ay ang rekomendasyon ng nararapat na climate at disaster database development at modeling technology para sumuporta sa LCCAPs.

Kabilang din dito ang pagbuo ng mga mekanismo sa LGUs na ipatupad ang kani-kanilang climate change adaptation at mitigation initiatives.

Ani Borje, kailangan ang naturang MOU para mapalakas pa ang kapasidad ng mga LGU na maituturing na “front-liners of climate action.”

“Transformative climate action can be achieved through partnerships – partnerships based on principles of cooperation, good governance, and shared advocacy in building the nation’s overall climate resilience,” sinabi pa ni Borje.

Samantala, sinabi ni Rangasa na ang pagpapalakas sa kapabilidad ng mga ahensya, LGUs at iba pang stakeholders ay magbibigay-daan sa LCCAD na makabuo at makapagbahagi ng mahusay na pamamaraan sa rehiyon.

Siniguro naman ni CCC Commissioner Albert dela Cruz Sr. ang suporta nito sa mga LGU sa formulation, planning, at implementation ng climate change action plans sa kani-kanilang mga nasasakupan.

“The key to a climate-resilient Filipino nation is to strengthen the cooperation between and among our stakeholders, including the LCCAD, on mainstreaming climate change adaptation and mitigation in local development and investment planning across the country,” ani dela Cruz. RNT/JGC