MOUs nilagdaan ng 48 LGUs para sa nat’l housing program

MOUs nilagdaan ng 48 LGUs para sa nat’l housing program

January 5, 2023 @ 5:24 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Kulang-kulang sa 50 local government units ang lumagda sa memorandum of agreement (MOU) kasama ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) para sa housing program ng pamahalaan.

Sinabi ni DHSUD Undersecretary Avelino Tolentino III na 48 LGUs ang lumagda sa MOUs para sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program, na naglalayong magtayo ng 6 milyong bahay.

“Natutuwa po tayo dahil nung 2022 po, tayo po ay nakapag 12 groundbreaking events at tayo po ay nagkaroon po ng 48 MOU signings with various local government units,”ayon kay Tolentino sa public briefing.

Sinabi pa ni Tolentino na nakatakdang lumagda si Baguio Mayor Benjamin Magalong sa MOU sa DHSUD ngayong araw.

“[A]ng Baguio City ay mag allocate po ng 6.3 hectares na lupa to target at least 2,000 beneficiaries at sila po ay tumitingin para magtayo ng 20-story building… sa Tuba, Benguet,” wika nito.

Samantala, nais naman ng DHSUD na simulan ang “full construction” sa mga lugar na sumailalim na sa groundbreaking ceremony.

“Ang atin pong priority ay ‘yun pong ating mga na groundbreaking po ay tuloy-tuloy po sa full-blown construction at hindi po tayo nag papahinga dito po sa aming tanggapan kami ho ay patuloy pong nag pa-package ng susunod na round po ng project,” ani Tolentino.

Idagdag pa rito, umaasa naman si Tolentino na mas maraming LGUs ang lalagda sa MOUs kasama ang DHSUD.

“Naniniwala rin po kami na with the construction in full swing at nakikita po ng ating partner LGUs na tumutubo na po itong ating mga construction sa mga nauna nating mga LGUs ay susunod na po ang ating mga iba pang LGUs sa pag suporta dito sa ating Pambansang Pabahay,” anito. Kris Jose