MOVE IT, MOVE OUT

MOVE IT, MOVE OUT

October 10, 2022 @ 3:30 PM 2 months ago


SUSPENDIHIN muna ang accreditation ng “Move It” habang may imbestigasyon.

Dininig ni Cong. Joel Chua ng Maynila, na kasalukuyang miyembro ng House Transportation Committee at Vice Chairman ng Metro Manila Development Committee, ang inihain ng Lawyers for Commuters Safety and Protection at ilan pang grupo na panukalang maimbestigahan ng Kongreso ang acquisition ng Grab sa Move It na isa sa tatlong accredited companies sa pilot test ng motorcycle-for-hire.

Nangako si Chua  na maghahain siya ng resolusyon sa Kongreso upang maimbestigahan ang backdoor entrance deal na ito.

Mukha kasing hindi natitinag ang Move It at habang hindi pa nag ko-convene ang bagong TWG ng pilot test ng motorcycle taxi ay Kongreso ang ating inaasahan na sisilip sa acquisition deal.

Hindi lang ang Grab-Move It deal ang nais imbestigahan ng butihing congressman ng 3rd district ng Maynila kundi ang ilang mga sumbong ng TNVS drivers at delivery riders ng Grab.

Nais ng mambabatas na halukayin ang diumano ay napakataas na pamasahe sa Grab dulot ng tinatawag na ‘surge’.

 Ibig sabihin nito lumaki na ang issue at hindi lang tungkol sa acquisition ng Move It.

Sa ngayon ay tila selyado na ang Grab-Move It deal pero ang tanong –papayagan ba ng Kongreso o ng TWG na manatili ang Move It bilang accredited pa rin sa pilot test?

Para sa LCSP habang may imbestigasyon ay isuspinde muna ang accreditation ng Move It. Hindi pwedeng tuluy-tuloy sila habang may imbestigasyon.  Move It should Move Out of the pilot test kung igigiit nila ang acquisition.  Ito ang hihilingin ng LCSP sa Kongreso at sa TWG.

====================================================

Atty. Ariel Inton

President, Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)

09178174748