MPD HQS COPS GALIT NA GALIT SA SIPSIP NA PULIS

MPD HQS COPS GALIT NA GALIT SA SIPSIP NA PULIS

February 21, 2022 @ 12:56 PM 4 months ago


MATAGAL-TAGAL na rin naman ang kinikipkip na sama ng loob ng mga tauhan sa headquarters ng Manila Police District laban sa isang kabaro na sobra-sobra ang pagiging sipsip sa kanilang hepe.

Walang magawa ang mga pulis na nakatalaga sa headquarters kundi sayawan na lang ang kapritso nitong pulis na  akala mo ay talaga namang malaki ang pangangailangan dahil maging ang isang simpleng opisina ay pinalalagyan niya ng lingguhan sa ilang iligal na sugal na tumatakbo sa Maynila.

Ilan sa kolektor na ipinangahas niyang ipakilala sa kanyang hepe ay pawang kabatch o kaklase niya noong bago pa siya pumasok sa pagpupulis na sa madaling salita ay aplikante pa lang sila  o kaya naman ay kaklase niya sa Officer’s Basic Course (OBC) o Officer’s Advance Course (OAC).

Nakatatawa pa nito, kahit punerarya ay hindi niya pinalampas dahil ang punerarya ng homicide at traffic ay siya ang may hawak.

Umiiyak na ang mga tauhan ng investigation ng traffic ng MPD dahil sila ang nalakagay sa balag ng alanganin dahil sa laki ng sinisingil ng punerarya sa pamilya ng namatayan o kaya naman ay sa may-ari ng sasakyan na nakabangga at nakamatay.

Sisingil ang punerarya ng P200,000 hanggang P300,000 kaya nasisira ang imbestigador dahil iniisip ng pamilya o ng magbabayad na nalalangisan o nakikinabang ang pulis pero ang totoo ay ang pulis na sipsip lang umano ang nakikinabang.

Iniyayabang pa umano ng pulis na ito na tulad ng inaanak ng hepe niya na hindi matanggal sa isang police community precinct sa Maynila ay napakalakas niya sa kanyang boss na ipinagkakatiwala lahat ng pagkakaperahan sa kanya.

Teka lang, sa totoo lang, napakalakas na sumipsip kay dating Mayor Erap ang pulis na ito at ngayong panahon ni Manila Mayor Isko Moreno ay tuloy-tuloy lang ang pagsisipsip nito sa mga nakatataas na opisyal.

Eh baka hindi alam ni Yorme Kois na posibleng makasira sa kanyang karera ang pulis na ito at maging ang kanyang amo.

Sa mga istasyon, ang mga dating pulis sa headquarters na nabiktima ng pulis na ito ay galit na galit.

Posibleng madamay pati ang kandidatura ni Vice Mayor Honey Lacuna kapag ‘di niya magawan ng paraan na mawala ang galit ng mga pulis Maynila na nasagasaan ng sipsip na pulis na ito  sapagkat nag-iisip sila, bilang botante ng Maynila, na huwag iboto ang mga kandidatong padrino ng sipsip na pulis na ito at ng kanyang boss.