MPD makikipagpulong sa ospiyal ng mga paaralan

MPD makikipagpulong sa ospiyal ng mga paaralan

January 27, 2023 @ 1:52 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nakatakdang makipagpulong ang Manila Police District (MPD) sa mga opisyal ng paaralan na layong mapaigting ang seguridad.

Ito ay kasunod nang nangyaring insidente kung saan nasangkot ang isang bata matapos umano nitong aksidenteng maiputok sa sarili ang baril ng kaniyang ama na dinala niya sa paaralan sa San Jose Del Monte, Bulacan kahapon, Enero 26.

Ayon kay MPD Director Police Brig. Gen. Andre Dizon, noong nagsimula ang face-to-face classes ay kasama sa regular na iniikutan ng patrol ng pulisya ang mga eskuwelahan kung hindi man ay may nakatalagang tumutok at magbantay talaga dito.

Kaugnay nito, mahigpit ding pinapaalalahan ng heneral ang lahat ng mga tauhan nito na panatilihing nasa ligtas na pangangalaga ang mga baril, lalo sa may mga anak.

Bukod dito, nakapaskil din aniya sa mga gate ng paaralan ang anunsyo ukol sa hotline ng MPD na maaaring tawagan o itext sa emergency situations.

“Reminder ito hindi lamang sa MPD personel kundi sa lahat ng gun-owner, lalo’t hindi natin masabi dahil sa iba na daw kasi ang pag-iisip ng mga kabataan lalo na na’t uso na ang mga bayolenteng mobile games, kung saan marami sa mga kabataan dito ang nahuhumaling sa larong ito,” pahayag pa ni Dizon.

Samantala, pabor naman ang ilang magulang sa plano ng mga otoridad na mainspeksyon ang bag ng mga bata sa pagpasok nila sa paaralan. Jocelyn Tabangcura-Domenden