MPD nag-ikot na vs iligal na paputok

MPD nag-ikot na vs iligal na paputok

November 22, 2022 @ 9:57 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Tinatayang aabot sa halagang P20,000 ng mga ipinagbabawal na paputok ang nakumpiska ng mga awtoridad sa Divisoria sa Maynila, isang buwan bago sumapit ang Kapaskuhan.

Ayon sa Manila Police District-Station 11, walang makikitang nagbebenta ng paputok sa Divisoria ngunit kapag nagtanong ang isang buyer ay ilalabas ito ng vendor o nagtitinda.

Nakatago umano ito sa iba pang paninda sa bangketa upang hindi lantarang makita dahil ito ay ipinagbabawal.

Kabilang sa mga nakumpiskang paputok sa operasyon ay whistle bomber, 5 star, baby rocket, piccollo at iba pa.

Ang Executive Order No.28 o ang Prohibited Types of Firecrackers and Pyrotechnic Devices ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay nanatiling may bisa kung saan inaatasan ang Philippine National Police (PNP) na tukuyin ang mga paputok na maaring ibenta upang maayos at makontrol ang paggamit nito.

Payo ng MPD-Station 11 sa publiko, mainam na huwag nang tangkilikin ang mga ipinagbabawal na paputok dahil napakadelikado ito lalo na sa mga bata na madalas inaakalang laruan o napapaglaruan ang mga paputok. Jocelyn Tabangcura-Domenden