MPD nagbabala vs patay modus

MPD nagbabala vs patay modus

October 20, 2022 @ 4:55 PM 2 months ago


MANILA, Philippines- Nagbabala ang pamunuan ng Manila Police District (MPD) sa publiko kaugnay sa tinatawag na ‘patay modus’ sa lungsod.

Ayon kay MPD spokesperson Major Philipp Ines, ito ay mga indibidwal na may mga hawak na pekeng death certificate at nagpapanggap na namatayan upang makalikom ng pera.

Paliwanag pa ni Ines, naging modus na rin ng mga kawatan na magbahay-bahay upang manghingi ng abuloy.

Paalala ni Ines, madali lamang magkaroon ng mga sertipiko dahil nariyan ang Recto Avenue na kilalang gumagawa ng mga pekeng dokumento at iba pa.

Dahil dito naglabas ng patalastas ang pamunuan ng MPD sa ilalim ng liderato ni P/Brig.Gen.Andre Dizon upang balaan ang publiko na mag-ingat sa mga ganitong modus at huwag basta-basta maniniwala.

Ngayong papalapit na ang Undas, nagpaalala rin si Dizon na maging mapagmatyag sa iba pang maaring gawing modus ng mga kawatan para lamang makapanloko ng kapwa. Jocelyn Tabangcura-Domenden