MRT-3, 100 porsyento nang masasakyan

MRT-3, 100 porsyento nang masasakyan

February 28, 2022 @ 12:00 PM 4 months ago


MANILA, Philippines – Itinaas na ng MRT3 sa 100% mula sa 70% ang kapasidad ng maaaring pasakaying pasahero, simula Marso 1 sa pagsasailalim sa National Capital Region  sa Alert Level 1 mula sa Alert Level 2.

Ang MRT3 ay nagdadala ng 1,182 pasahero bawat set ng tren o 394 bawat bagon, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) nitong Lunes. Ang bawat set ng tren ay binubuo ng tatlong bagon.

“Ang pagtataas ng kapasidad ng mga tren ay bilang tugon ng pamunuan ng MRT-3 at Kagawaran ng Transportasyon sa pagtaas ng demand sa pampublikong transportasyon sa pagbubukas ng mas maraming establisyimento sa Metro Manila,” anang DOTr sa kanilang Facebook post.

Pinaalalahanan naman ng DOTr ang mga pasahero na mahigpit pa ring sundin ang minimum public health standards, ibig sabihin ay mananatiling ipinagbabawal ang pakikipag-usap, pagkain, pag-inom at pagsagot sa mga tawag sa telepono sa loob ng mga tren.

Ang mga pasahero ay kinakailangang magsuot ng face mask habang ang pagsusuot ng face shield ay mananatiling boluntaryo, sabi ng DOTr.

“Upang matiyak ang kaayusan at implementasyon ng minimum public health standards sa buong linya, patuloy na magtatalaga ng mga train at platform marshals ang pamunuan ng MRT-3 sa mga tren at istasyon nito,” dagdag pa nito. RNT