MRT-3 may palibreng COVID antigen test

MRT-3 may palibreng COVID antigen test

January 11, 2022 @ 9:03 AM 7 months ago


MANILA, Philippines – Mag-aalok na ng libreng antigen test ang Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) sa mga pasahero na nagboboluntrayo simula ngayong Enero 11 bilang bahagi ng pagsisikap nitong labanan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa kanilang Facebook post nitong Lunes, sinabi ng MRT-3 na ang libreng testing ay gagawin ngayong Enero 11, mula Enero 17 hanggang 21, Enero 24 hanggang 28 at sa Enero 31.

“Maglalagay ng antigen testing sites ang MRT-3 sa mga istasyon ng North Avenue, Cubao, Shaw Boulevard, at Taft Avenue (The MRT-3 will install antigen testing sites at the North Avenue, Cubao, Shaw Boulevard, and Taft Avenue stations),” ayon sa post ng MRT-3

Ang bawat istasyon ayon pa sa MRT-3 ay maaring tumaggap ng 12 pasahero kada peak period o 24 pasahero kada araw.

“Isasagawa ang random antigen testing sa consenting and volunteering passengers tuwing peak hours mula 7 a.m. hanggang 9 a.m., at mula 5 p.m. hanggang 7 p.m. ” bahagi pa ng post ng MRT-3

Isasagawa naman ito ng mga medical personnel mula sa South Superhighway Medical Center.

Bago naman mabigyan ng libreng antigen test ang mga boluntaryong pasahero ay kailangan muna nilang punan ang contact tracing form

Papayagang makasakay ng MRT-3 ang mga negatibo sa resulta habang ang mga positibo ay pagbabawalang makasakay at aatasan na agad mag-isolate at makipag-ugnayan sa kanilang local government unit (LGU) representative para sa health monitoring at confirmatory reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) testing. Jocelyn Tabangcura-Domenden