MRT, LRT, PNR muling umarangkada

MRT, LRT, PNR muling umarangkada

September 26, 2022 @ 10:39 AM 2 months ago


MANILA, Philippines- Balik-operasyon ang mga tren ngayong Lunes isang araw matapos manalasa ni bagyong Karding at mkaapekto sa biyahe.

Balik sa normal ang operasyon ng Metro Rail Transit-Line 3 (MRT3), kung saan umarangkada ito kaninang alas-4:36 ng umaga sa North Avenue station at alas-5:18 ng umaga sa Taft Avenue station.

Itinakda ang last trip ngayong Lunes mamayang alas-9:30 ng gabi sa North Avenue station at alas-10:11 ng gabi sa Taft Avenue station.

Samantala, inanunsyo naman ng Light Rail Manila Corporation na balik-operasyon na ang Light Rail Transit-Line 1 (LRT1) sa 19 istasyon mula Baclaran hanggang Balintawak kaninang alas-5 ng umaga.

Umarangkada na rin muli ang Light Rail Transit-Line 2 (LRT2), kung saan walong tren ang bumibiyahe hanggang kaninang alas-7:25 ng umaga.

Para naman sa Philippine National Railways (PNR), ilang biyahe ang umarangkada ngayong umaga, kabilang ang sa Tutuban-Alabang at vice versa, Tutuban-Gov. Pascual at vice versa, at Naga-Sipocot at vice versa routes.

Sa pagdaan ni Karding sa Luzon landmass nitong Linggo, pinaiksi ng MRT3 at LRT1 shortened ang kanilang operating hours, habang sinuspinde ng PNR ang biyahe sa mga lugar na apektado ng bagyo. RNT/SA