MT Dorothy Uno bago gawing MT Princess Empress, ipinasilip

MT Dorothy Uno bago gawing MT Princess Empress, ipinasilip

March 18, 2023 @ 9:14 AM 7 days ago


MANILA, Philippines- Nagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlo pang testigo sa umano’y rehabilitation ng 50 taong MT Dorothy Uno sa MT Princess Empress upang magbigay ng sinumpaang salaysay sa pagkakasangkot nila sa umano’y pagsasaayos.

Sa ulat nitong Biyernes, kasamahan ang tatlo ni alyas “Dodong”, na unang nagsiwalat sa mga awtoridad hinggil sa rehabilitasyon kasama ang mga depekto sa disenyo ng motor tanker na naging dahilan upang maapektuhan ito ng malalakas na alon.

Sinabi ni Dodong na nabahala rin siya matapos sabihin ng may-ari ng kumpanya na dapat gawing motor tanker ang barko. Ito ay orihinal na idinisenyo upang magdala ng mga suplay ng buhangin.

“Medyo alanganin kung tutuusin kasi tanker ‘yun. Dapat bago lahat kasi dangerous cargo ang karga. Di naman napalitan ang iba,” pahayag niya.

Lumubog ang MT Princess Empress sa karagatan ng Naujan, Oriental Mindoro habang lulan nila ang mahigit 900,000 litro ng industrial fuel oil noong Feb. 28.

Lahat ng 20 crew na sakay into ay nailigtas ngunit nagdulot ng malaking pinsala at oil spill sa ilang bayan sa probinsya at umabot na sa Palawan at Antique.

Nauna nang itinanggi ng kompanyang RDC Reield Marine Services ang alegasyon na luma o matanda na ang barko at ito ay original na nakadise syo na magbiyahe ng sand supplies.

Ayon sa NBI, nakikipag-ugnayan na sila sa iba pang government agencies sa pagkalap ng dokumento at ebidensya para sa case build-up sa insidente.

Samantala, tinitingnan na rin ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kaso laban sa kompanya na nagmamay-ari ng barko.

“Civil liabilities, criminal liabilities and administrative liabilities. Nagbuo tayo ng isang inter-agency committee, so, we will wait for reports from these involved agencies doon sa kanilang scope para magkaroon tayo nang mas malinaw na picture dito sa ating issue ng oil spill,” sabi ni DOJ spokesperson Mico Clavano. Jocelyn Tabangcura-Domenden