MT Princess Empress scrap na, ‘di brand new – Remulla

MT Princess Empress scrap na, ‘di brand new – Remulla

March 17, 2023 @ 7:26 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Luma na at ginawa nang scrap ang lumubog na MT Princess Empress, salungat sa sinasabing bago ang naturang barko.

Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Huwebes, Marso 16, tinitingnan na ng pamahalaan ang paghahain ng criminal at civil cases kaugnay sa paglubog ng naturang tanker na nagresulta sa oil spill sa Oriental Mindoro at mga karatig-probinsya.

“It is a rebuilt scrap… It was not built to be a tanker from the very beginning,” ani Remulla.

“Ang sinabi raw nila sa Coast Guard ay bagong bago itong barkong ito. At hindi pala siya bago, ito ay luma na, scrap na, scrap na siya na nirebuild, unang nirebuild para maging LPG carrier tapos nirebuild na naman, pinahaba para maging tanker,” dagdag pa niya.

Ayon kay Remulla, ang naturang tanker ay 50 taon nang ginagamit.

“Matanda na. Scrapped na nga eh, scrapped na. It’s probably 50 years old. Scrapped na yun eh.”

“[T]he utterances after the occurence of the fact, ‘yung sinabi sa coast guard na bagong-bago yung barko, parang may intent to deceive na sa simulat sapul pa lang. Kaya dapat tignan natin itong bagay na ito,” pagpapatuloy ni Remulla.

Nakakuha na ng affidavit ang pamahalaan mula sa indibidwal na alam ang nangyari sa MT Princess Empress at kung paano nagsimula ang insidente.

Sa kabila nito, confidential pa sa ngayon ang pagkakakilanlan ng naturang indibidwal.

“Ang NBI is on it already and hawak nila yung statement. They’re doing the studies now. They’re looking at their— they’re conducting field interviews. Kasi sinabi kung saan nakatambak yung scrap, kung saan kinuha, kung saan ginawa, kaya may details po eh,” sinabi ni Remulla.

Samantala, tinitingnan din nila ang anggulo ng insurance claim kaya lumubog ang barko.

“And we’re looking from the angle of insurance also kasi parang may insurance siyang napakalaki,” ani Remulla.

Sa kasalukuyan ay wala pang tugon ang PCG kaugnay nito. RNT/JGC