MT Princess Empress, walang CPC – MARINA

MT Princess Empress, walang CPC – MARINA

March 17, 2023 @ 10:02 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Nanindigan ang Maritime Industry Authority (MARINA) na hindi dapat naglalayag sa dagat ang MT Princess Empress dahil wala itong Certificate of Public Convenience (CPC).

Ang pahayag na ito ng MARINA ay kasunod ng paglalabas ng Philippine Coast Guard (PCG) ng kopya ng CPC ng barko.

“It’s true that the company has a valid company certificate of public convenience. However, as confirmed by our administrator during the Senate inquiry, this particular tanker vessel, MT Princess Empress, has not yet been added to the company CPC,” ani MARINA spokesperson Sharon de Chavez-Aledo.

Nitong Miyerkules, Marso 15, ipinakita ng PCG ang CPC na ipinasa ng may-ari ng motor tanker na RDC Reield Marine Services.

“So this is the certificate of Certificate of Public Convenience that was submitted to us, to Coast Guard Station Manila last February 27, noong dumaan ‘yung Motor Vehicle Princess Empress. We relied on the CPC para payagan ‘yung barko na maglayag,” sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armando Balilo.

Sa isang dokumento, makikita rin na nagbigay ang MARINA ng certificate sa RDC na kasama dito ang desisyon ng MARINA na payagan ang pagdaragdag ng naturang barko sa fleet ng kompanya.

Bagama’t may stamp itong certified true copy ng MARINA, wala naman itong pirma.

Ayon naman sa PCG, biniberipika na nila ang naturang dokumento.

“Ito po ay tinitingnan ng DOTR. We appeal to everyone na magtulungan po tayo para po maresolba po itong krisis na meron diyan po sa Mindoro,” pahayag ni Assistant Secretary Julius Yano ng DOTR maritime sector.

Samantala, sinabi ng RDC na papunta na sa bansa ang remotely operated underwater vehicle (ROV) mula Japan para magsagawa ng visual survey sa lumubog na barko.

Inaasahang darating sa bansa ang ROV sa Lunes, Marso 20 para magsimula ng operasyon.

Ipapadala ito upang kumpirmahin ang lokasyon ng barko na pinaniniwalaang nasa 400 metro ang lalim, 15 kilometro hilagang-silangan ng Mindoro.

Matatandaan na lumubog ang MT Princess Empress noong Pebrero 28 karga ang 900,000 litro ng industrial fuel oil at nagdulot ng oil spill sa malaking bahagi ng Oriental Mindoro at karatig-probinsya. RNT/JGC