MTPB enforcer nabangga ng van, patay

MTPB enforcer nabangga ng van, patay

October 10, 2022 @ 7:38 PM 6 months ago


MANILA, Philippines – Patay ang isang traffic enforcer nang mabangga ng van sa kahabaan ng Osmeña Highway, Malate, Maynila Lunes ng umaga, Oktubre 10.

Hindi na umabot pang buhay sa ospital ang biktimang si Rommel Delos Santos, 40, enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau o MTPB at residente ng 1822 Dapitan Street, Sampaloc, Maynila

Sa imbestigasyon ng Manila Traffic Enforcement Unit, alas-10 ng umaga nang mangyari ang insidente sa kahabaan ng southbound lane sa Osmeña Highway sa nasabing lugar.

Lulan umano ng kanyang motorsiklo na may plakang QFS 101 ang enforcer nang mabangga ng isang aluminum van na may plakang WGG 227 na minamaneho ni Jarey Daniel Andyan, 32, nakatira sa B16 Lot 29 Apitong Street Saint Joseph Village, San Pedro Laguna dahilan para sumemplang ang biktima.

Sa lakas ng impact, napasubsob sa kongretong semento padapa ang enforcer na nagresulta ng kanyang agarang pagkamatay.

Hawak na ng MTEU ang driver ng van para sa imbestigasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden