MTPB, isasailalim muli sa matinding training

MTPB, isasailalim muli sa matinding training

July 19, 2018 @ 3:40 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Kasunod ng pagkakasibak ng isang miyembro ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na nag-viral sa Facebook, tiniyak naman ngayon ni Manila Mayor Joseph Estrada na hindi nito kukunsintihin ang sinumang MTPB na masasangkot sa pangongotong.

Dahil dito, agad ipinag-utos ni MTPB Officer in Charge Dennis Alcoreza ang muling pagsasailalim sa mahigpit na pagsasanay ang lahat ng kanilang tauhan.

Dahil din sa mga sunod-sunod na kaso ng pangongotongng mga tauhan ng MTPB ay binawi na rin ni Alcoreza ang kanilang mga Official Violation Receipt (OVR).

Pansamantala, tanging ang mga tauhan na lamang ng Manila District Traffic Enforcement Unit na pinangungunahan ni PC/Insp. Alejandro Pelias at mga traffic enforcers ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang maari nang maniket sa mga motorista bagamat nilinaw ng opisyal na may karapatan pa rin ang mga MTPB traffic enforcers na magmando sa trapiko sa lungsod.

Paliwanag pa ni Alcoreza na tatawagin na lamang ng MTPB ang pulis o MMDA na otorisadong magtiket sa mahuhuling motorista.

Ang kautusan ay inilabas ni Alcoreza makaraang mag-viral ang video sa social media ng isa sa mga traffic enforcers ng MTPB na kinilalang si Ferdinand Borja sa aktong nangongotong ng isang dayuhan kasama ang kapartner na Pinay makaraang lumabag sa number coding scheme.

Agad namang sinibak bilang traffic enforcer ng MTPB si Borja at binawi na ang kanyang ID, uniporme at OVR.

Umapela naman si Alcoreza sa publiko na isumbong sa kanilang tanggapan ang sinumang miyembro nito na lalabag at mangangahas na mangotong. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)