MTRCB nangako ng ban sa pelikulang ‘Plane’ – Padilla

MTRCB nangako ng ban sa pelikulang ‘Plane’ – Padilla

February 19, 2023 @ 10:25 AM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nangako ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na iba-ban nito sa Pilipinas ang international movie na “Plane”, sinabi ni Senador Robinhood Padilla.

Sa pahayag nitong Sabado, Pebrero 18, sinabi ni Padilla na nakatanggap siya ng commitment mula sa mga opisyal ng MTRCB na pinangungunahan ni Chairperson Lala Sotto, na nakaharap niya sa Senate office nitong Biyernes, kaugnay sa pagpapakita ng nasabing pelikula ng “bad image” sa bansa.

“Opo. Ang sabi nila sa akin, kinausap po nila ang distributor. At ngayon ang gusto natin masulatan natin ang mismong producer,” ani Padilla.

Nagpasalamat naman ang senador kay Sotto sa pangako nito na ipapaabot sa Philippine distributor ng nasabing pelikula ang mga napuna dito.

Sa manifestation noong Pebrero 15 sa Senado, kinondena ni Padilla ang hindi tamang portrayal ng pelikula sa Pilipinas, na maaaring magresulta sa pagkasira ng reputasyon ng bansa.

Ang tinutukoy ng Senador ay ang bahagi ng pelikula kung saan ipinapakita na ang Jolo ay kontrolado ng mga rebelde at wala na ang tropa ng pamahalaan doon.

Ani Padilla, ang negatibong pagpapakilala sa bansa ay magkakaroon ng epekto sa turismo, na bumabangon pa lamang sa epekto ng pandemya.

Dagdag pa rito, nag-aalala rin ang Senador sa portrayal ng pelikula kung saan ipinapakita na kumakampi ang mga residente ng Jolo, sa mga terorista.

“Sabi ko sana kung pinanindigan na lang ng pelikulang ito na fiction lang siya, hindi na nila nilagay ang Pilipinas,” aniya.

“Hindi tayo pwedeng manahimik dito… Ang panawagan ko sa inyo, pagdating sa oras na ang bayan natin ay inaalipusta at minamaliit, huwag natin ipagtanggol ang dayuhang ito… Nasaan ang ating pagiging makabayan pag ganitong oras na ang ating imahe ay minamaliit,” pagpapatuloy ng senador.

Dahil dito, sinabi niya na nais nitong bigyan ng mandato ang MTRCB na maglabas ng panuntunan na magbabawal sa mga pelikulang magbibigay ng hindi magandang reputasyon sa bansa na maipalabas sa mga sinehan. RNT/JGC