“Much better” admin, dasal ni Digong

“Much better” admin, dasal ni Digong

April 18, 2022 @ 7:48 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Nagpahayag ng kumpiyansa si Pangulong Rodrigo Duterte na ang susunod na administrasyon ay magiging “much better” sa pagtugon sa problema na patuloy na kinahaharap ng bansa.

Umaasa rin siya na ang kanyang kampanya laban sa illegal drugs at communist insurgency ay ipagpapatuloy ng kanyang successor.

Gayunman, tiniyak ni Pangulong Duterte na ang laban kontra drug offenders at communist rebels ay hindi matitigil hanggang sa siya ay bumaba mula sa tanggapan sa Hunyo 30.

“I hope and I pray that the next administration will be better than mine on all aspects. Dinadasal ko iyan para sa kababayan, para sa inyo,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang naging pagbisita sa mga biktima ng Tropical Storm Agaton sa Pontevedra Elementary School evacuation center sa Pontevedra, Capiz.

Sa kabila ng kanyang “strained relationship” sa communist movement bunsod ng walang puknat na pagpatay ng rebeldeng grupo sa kabila ng nagpapatuloy na usapang pangkapayapaan, umaasa si Pangulong Duterte na ang susunod na Pangulo ay gagawa ng paraan at pagsisikap para “maq-reconnect” sa communist movement.

“Hindi kayo maghinto, mag-away talaga tayo. But we were friends. We were friends. Were na kasi tapos na. But I hope that whoever comes in next after me, they would try to reconnect and I pray that it (peace talks) would succeed,” ayon kay Pangulong Duterte.

Muli namang nananawagan ang Pangulo sa mga communist insurgents na sumuko at magbalik-loob sa mainstream society, tiniyak sa mga ito na makakakuha ang mga ito ng tulong mula sa gobyerno.

“I hope that we would find peace with the communists. Ayokong makipag-away sa inyo,” anito sabay sabing “You know, you can fight 53 years in the making. You want another 53 years? And you think you can win a barangay or a city? Not in a million years. Mabuti pa bumaba na lang kayo .”

Ang peace negotiations sa pagitan ng national government at Communist Party of the Philippines’ (CPP) political wing, National Democratic Front (NDF), ay pasulpot-sulpot simula noong 1986.

Sa kabilang dako, muli namang inulit ng Pangulo ang kanyang babala sa mga drug personalities na mapapatay ang mga ito kung ipagpapatuloy nila ang kanilang illegal drug activities.

Aniya, masakit sa kanya na makita ang isang pamilya na maging “dysfunctional” dahil ang isa sa miyembro ng pamilya ay sangkot sa narcotics.

“Ang droga, hintuin na ninyo. Just like the communists, you drop the drugs or otherwise, I will kill you. Mag-prangkahan tayo,” aniya pa rin.

May kabuuang P76.01 bilyong halaga ng illegal drugs ang nasabat sa buong bansa mula Hulyo 2016 hanggang Pebrero 2022, ayon sa Real Numbers data ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Mayroong 14,648 high-value targets at 331,694 indibiduwal ang sangkot sa illegal drugs ang naaresto “as of February 2022.” Kris Jose