Mudslide rumagasa sa barangay sa Maguindanao

Mudslide rumagasa sa barangay sa Maguindanao

October 30, 2022 @ 1:56 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Wala nang makikitang tao sa Brgy. Kusiong sa boundary ng mga bayan ng Datu Odin Sinsuat at Datu Blah Sinsuat sa Maguindanao kasunod ng mudslide noong madaling araw nitong Biyernes.

Base ito kay Fatima Kanakan, Program Director ng Rajah Mamalo Descendants Organization of Southern Philippines Inc, isang non-government organization para sa Indigenous Peoples sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Base sa video ni Kanakan, makikitang nagsisilikas ang ilang residenteng nakaligtas sa mudslide.

Makikita rin sa nasabing video na halos tumba na lahat ng bahay sa barangay maliban sa ilan na gawa sa semento.

Sinabi ni Kanakan na nagtungo siya sa ground zero noong Sabado at ibinahagi sa kanya ng mga nakaligtas sa mudslide bandang ala-1 ng madaling araw ng Biyernes ang pangyayari.

Dagdag ni Kanakan, mula Biyernes ay nagsimula na silang mag-ikot sa mga evacuation centers para magbigay ng tulong sa mga nakaligtas.

Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 48 na ang naiulat na nasawi sa nagdaang bagyo. RNT/SA