Mula sa 11 presinto: 82 dinampot sa nakalipas na magdamag

Mula sa 11 presinto: 82 dinampot sa nakalipas na magdamag

June 25, 2018 @ 5:03 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Umabot sa  82 katao ang binitbit ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa nakalipas na magdamag, matapos na lumabag sa mga batas at ordinansang ipinatutupad sa lungsod ng Manila.

Base sa ulat ng MPD-Raxabago Police Station 1; Moriones Police Station 2; Sampaloc Police Station 4; Ermita Police Station 5; Sta.Mesa Police Station 8 at ng Malate Police Station 9; Pandacan Police Station 10 at ng Binondo Police Station 11, makaraan umanong lumabag sa ordinansa sa kanila-kanilang operasyon mula 5:00 ng madaling araw nang Linggo, Hunyo 24, hanggang 5:00 ng madaling araw nitong Lunes (Hunyo 25).

Sa report ni P/Supt. Jay Dimaandal, Station Commander ng Station 1, at P/Supt. Robert Domingo ng Moriones Police Station 2 ang nasa 13 katao ang kanilang dinampot;  habang 31 naman ang nadakip ng mga tauhan ng Station 4  at tig-pito  naman sa Station 5 (Ermita) at Station 8 (Sta. Mesa).

Tatlo katao naman ang nadakip ng mga personnel ng Station 9 (Malate); isa sa Station 10 (Pandacan) at dalawa sa Station 11 (Binondo).

Ang mga naaresto ay nabatid na pawang lumabag sa mga ordinansang pag-inom, paninigarilyo, pagsusugal, pag-ihi, pagkakalat, pagtulog at paghuhubad-baro sa mga pampublikong lugar.

Mayroon ring mga nahulihan ng deadly weapons at ipinagbabawal na gamot, nakagawa ng traffic violation, tulad ng jaywalking, habang ang iba ay mga menor de edad na lumabag sa curfew hours.

Dahil dito, pinapurihan ni MPD-District Director, Chief Supt. Rolando Anduyan ang kaniyang mga tauhan dahil sa mahusay na pagtupad ng mga ito sa kani-kanilang tungkulin, upang matiyak na masasawata ang kriminalidad sa kanilang nasasakupan at mapapanatili ang kapayapaan at kaayusan. (Rene Crisostomo)