Manila, Philippines – Labing-anim na pahina ang babasahin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang State Of the Nation Address (SONA) mamayang hapon.
Ayon kay Special Assistant to the President (SAP) Bong Go, mula sa 20 pahina ay nabawasan na ito ng 4 na pahina.
Asahan na aniyang ang magiging laman ng SONA speech ng Chief Executive ay usapin ng pederalismo, Bangsamoro Organic Law (BOL), at ang kanyang mga kampanya laban sa ilegal na droga, kriminalidad at korapsyon.
Inaasahan din niya na tatalakin din ng Punong Ehekutibo sa kanyang SONA speech ang gumagandang ekonomiya ng bansa.
Maririnig din mula sa Pangulo ang mga nakalinya nitong programa na ipatutupad sa darating pang mga panahon.
Bagama’t may pauna nang abiso ang Malakanyang na tatagal lamang ng 35 minuto ang gagawing pagbabasa ng talumpati ni Pangulong Duterte ay kilala naman ang Pangulo na mahilig mag-adlib.
Ani Go, hindi maiiwasan na kapag may naisip na sabihin ang Pangulo na batid nito na nais niyng ipabatid sa publiko ay pinuputol nito ang kanyang prepared speech at doon na maga-adlib.
Direktang sinabi naman ni Presidential spokesperson Harry Roque na tila kailangan na ni Pangulong Duterte ng magagaling na speech writers.
Ito’y upang maiwasan na ng Pangulo ang mag-adlib at lumihis sa prepared speech.
Kung maganda aniya ang prepared speech ay walang dahilan para makapag-adlib pa ang Pangulo at maghayag ukol sa illegal na droga, terorismo, katiwalian at iba pa na walang kaugnayan sa inihandang talumpati ng mga speech writers. (Kris Jose)