Multi-awarded barangay kapitan utas sa pananambang

Multi-awarded barangay kapitan utas sa pananambang

January 24, 2023 @ 12:51 PM 2 weeks ago


PIAT, CAGAYAN – Sumisigaw ng katarungan ang pamilya at kamag-anak habang pinaglalamayan ng mga ito ang multi-awarded barangay captain ng bayan ng Piat matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek dito sa nasabing bayan.

Kinilala ang biktima na si Richard Biraquit, kasalukuyang Brgy. Kapitan ng Sto. Domingo Piat, Cagayan.

Napag-alaman na galing umano sa kanilang bukid ang biktima kasama ang kanyang asawa na kinilalang si Jocelyn Biraquit lulan ng kanilang sasakyan na Toyota Fortuner na may plakang BAB 9112 at pauwi na sana sila nang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa may bahagi ng Sitio Malasat ng naturang barangay.

Nagtamo ng tama ng baril sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan ang kapitan na sanhi ng agaran niyang pagkamatay habang masuwerteng hindi tinamaan ng bala ng baril ang asawa nito.

Mismong ang asawa naman ng biktima ang nagdala sa kanya sa Nuestra Señora De Piat District Hospital para malapatan ng agarang lunas subalit idineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor.

Nakarekober ang pulisya sa pinangyarihan ng krimen ng limang (5) fired cartridge ng caliber .45.

Hanggang sa ngayon ay patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa motibo ng pamamaslang sa naturang kapitan.

Samantala, si Kapitan Biraquit ay tinanghal noong taong 2016-2017 sa National Gawad Saka Award ng Kagawaran ng Agrilkultura bilang Outstanding Sugarcane Farmer.

Tinanghal din si Kapitan Biraquit bilang Gold Medal Awardee sa Dangal ng Lahing Cagayano ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan noong taong 2019. Rey Velasco