Munisipyo, lumiyab!

Munisipyo, lumiyab!

November 14, 2022 @ 9:34 AM 2 weeks ago


ALBAY- Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa sanhi ng pagkasunog ng ilang bahagi ng Sto. Domingo municipal hall matapos sumiklab kahapon ng hapon (Linggo) sa probinsyang ito.

Sa paunang ulat ng Sto. Domingo Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-3:30 ng hapon nakatanggap ng report na nasusunog ang naturang munisipyo na matatagpuan sa Barangay San Pedro village.

Ayon kay Inspector Liezel Lo, tagapagsalita ng BFP Bicol, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng gusali na umabot sa ikaapat na alarma.

Sinabi naman ni Sto. Domingo Mayor Joseling Aguas Jr., sa ngayon ay hindi pa malaman kung anong tanggapan sa munisipyo nagmula ang sunog at ang sanhi nito.

Pagsapit ng alas-7 ng gabi, tuluyang naapula ang apoy at wala namang naitalang nasaktan o nasawi sa nasabing insidente.

Inaalam na ng mga awtoridad ang halaga ng mga tinupok ng apoy. Mary Anne Sapico