Muntinlupa cops hinirang na ‘NCR Best City Police Station’

Muntinlupa cops hinirang na ‘NCR Best City Police Station’

August 16, 2022 @ 11:35 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pinapurihan ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ang lokal na kapulisan makaraang mapili ito ng Philippine National Police (PNP) bilang Best City Police Station sa buong National Capital Region (NCR).

Kinilala ang Muntinlupa police na pinangunahan ni P/Col. Angel Garcillano sa isinagawang flag-raising ceremony na ginanap nitong Agosto 15 ng umaga sa Muntinlupa City hall quadrangle.

Matapos mapili ang Muntinlupa police bilang Best City Police Station ay iginawad sa nagwaging estasyon ni dating National Capital Region Police Office (NCRPO) director Major Gen. Felipe Natividad ang plaque of recognition sa ginanap na 121st Police Service Anniversary noong Agosto 9.

Sa ginanap na pagsusuri mula Hulyo 2021 hanggang Abril 2022, ang Muntinlupa Police Station ang nangunguna sa lahat ng pinagsamang criteria na kinabibilangan ng bilang ng anti-illegal drug operations; bilang ng naarestong most wanted persons; pinakamataas na crime resolution at efficiency; outstanding community affairs activities; may pinakamababang nairehistrong krimen (tao man o ari-arian); aktibong local government unit (LGU) and stakeholders support, at COVID-19 response.

“We are honored but humbled by this award. Let it be a shining motivation for us to strive more and serve na may Malasakit, para sa Kaayusan, Kapayaan at Kaunlaran ng Muntinlupa City,” ani Garcillano.

Kabilang din sa mga kinilala sa ginanap na PNP anniversary celebration ay sina Staff Sgt. Reynold Sajulga Aguirre bilang Best Junior Police Non-Commissioned Officer for Operations; Cpl. Francis Paulo Sumayod bilang Silver Medal Awardee at si Police Executive Master Sgt. Andrew Gil Garcia naman bilang Bronze Medal Awardee.

Sa panig naman ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon ay ipinagmamalaki niya ang lokal na kapulisan sa nakamit nito bilang Best City Police Station.

“We are definitely proud of our city police force for their excellent performance. More so we are grateful for the dedication of our policemen and women to serve all Muntinlupeños,” ani Biazon. James I. Catapusan