Muntinlupa LGU lumagda ng kasunduan sa DOST-NCR

Muntinlupa LGU lumagda ng kasunduan sa DOST-NCR

June 6, 2022 @ 9:00 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Lumagda si Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi sa isang kasunduang deed of usufruct sa Department of Science and Technology-National Capital Region (DOST-NCR) na naglalayon ng pagpayag ng lokal na pamahalaan sa pagtatayo ng regional office ng nabanggit na ahensya sa lungsod.

Naganap ang paglagda sa kasunduang deed of usufruct sa pagitan ni Fresnedi at DOST-NCR Regional Director Dr. Jose B. Patalinjug III nito lamang nakaraang linggo sa Muntinlupa City hall.

Sa nilagdaang kasunduan ni Fresnedi ay maglalaan ang lokal na pamahalaan ng 700.45 metro kudradong lupa para sa pagtatayuan ng regional office ng DOST-NCR na matatagpuan sa Muntinlupa City Technical Institute (MCTI) sa Barangay Putatan.

Sa ilalim ng Civil Code, ang tinatawag na ‘usufruct’ ay nagbibigay ng karapatan na gamitin ang isang ari-arian ng iba na may kaakibat na obligasyon na panatilihin ang kaayusan ng ari-arian maliban na lamang kung ang pinayagan na bahagi ng lupa na gagamitin ay may iba pang batas na ipatutupad.

Ayon naman sa DOST-NCR, ang itatayong gusali ng regional sa lungsod ay magiging bahagi ng Science, Technology, and Innovation (STI) Corridor.

Ang STI Corridor ang nakatoka sa pakikipagkoordinasyon ng DOST-NCR, lokal na pamahalaan ng Muntinlupa gayundin ang mga unibersidad at kolehiyo tulad ng Colegio de Muntinlupa (CDM) at Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa (PLMun) pati na rin ang ilang institusyon gaya ng MCTI.

Sinabi ni Patalinjug III na ang STI Corridor ay magiging hub na rin ng mga bibisitang eksperto at consultants, researchers, inventors, innovators pati na rin ng mga estudaynte na magko-conceptualize, discuss, at magtatayo ng science and technology-based solutions sa mga isyu na may kinalaman sa rehiyon sa pamamagitan ng research at development gayundin ang innovations.

Kabilang din sa isinagawang seremonya ng paglagda ay sina DOST-NCR Chief Science Research Specialist Romelen Tresvalles, Deputy City Administrator Roger John Smith at Colegio de Muntinlupa College President Dr. Teresita Fortuna. James I. Catapusan