Muntinlupa LGU namigay ng libreng gamot sa Paeng victims

Muntinlupa LGU namigay ng libreng gamot sa Paeng victims

November 4, 2022 @ 12:51 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Namahagi ng libreng gamot laban sa leptospirosis ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa sa mga residente ng lungsod na hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling baha sa kani-kanilang mga lugar dulot ng dumaang bagyong “Paeng.”

Ayon kay Muntinlupa City Health Office (CHO) chief Dr. Juancho Bunyi, nais ng lokal na pamahlaaan na masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mga residente sa binahang lugar na protektado ang mga ito laban sa leptospirosis.

Hinikayat din ni Bunyi ang mga residente sa binahang lugar na magsuot ng bota at hanggang maaari ay huwag magbabad sa baha.

Pinaalalahanan din ng Bunyi ang mga magulang na huwag payagang lumangoy o maligo sa baha ang kanilang mga anak para makaiwas sa pagkakaroon ng diarrhea at sakit sa balat.

Napag-alaman na sa kasalukuyang datos ng CHO ay wala pang naitatalang kaso ng leptospirosis sa Muntinlupa kasabay ng pagbabala ng lokal na pamahalaan sa possibleng pagtaas ng kaso ng dengue at gastroenteritis.

Kamakailan lamang ay isinailalim ng Muntinlupa City Council sa state of calamity ang lungsod dahil sa perwisyong idinulot ng bagyong “Paeng.” James I. Catapusan