Muntinlupa tumanggap ng pinakamataas na parangal mula sa NDRRMC

Muntinlupa tumanggap ng pinakamataas na parangal mula sa NDRRMC

November 10, 2022 @ 12:10 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines-Tinanggap ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa ang pinakamataas na “Beyond Compliant” award sa ginanap na ika-22 Gawad Kalasag Seal for Local Disaster Risk Reduction and Management Councils and Offices (LDRRMCOs) na inorganisa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pakikipagtulungan ng Office of Civil Defense (OCD).

Ayon sa OCD, sa taong ito ay mayroong 135 Beyond Compliant at 436 Fully Compliant ang napagkalooban ng award sa 1,715 na ini-assess na local government units (LGUs) sa buong bansa.

Ang lokal na pamahalaan ng Muntinlupa, sa pamamagitan ng Muntinlupa City Department of Disaster Resilience and Management (MCDDRM) at Local Disaster Risk Reduction Management Council (LDRRMC), ay nagkamit ng Beyond Compliant seal na isa sa limang sa National Capital Region (NCR) na kinilala sa 22nd Gawad Kalasag.

Base sa guidelines sa pagpili ng LGU na makatatanggap ng award, ang mga Beyond Compliant LGUs ay ang mga makakukuha ng assessment rating ng 2.5 hanggang 3 habang ang Fully Compliant LGUs naman ay nararapat na makatanggap ng rating na 1.5 hanggang 2.49.

Sa pagkapili sa Muntinlupa bilang ‘Beyond Compliant’ LGU ay ipinagmamalaki ni Mayor Ruffy Biazon ang bagong achievement ng lokal na pamahalaan.

Sinabi ni Biazon na ang Beyond Compliance Assessment o Gawad Kalasag Seal ay ang pinakamataas na award na ibinibigay sa LGU na may kaugnayan sa disaster resiliency.

“Talagang nakaka-proud dahil sa unang pagkakataon na paglahok natin, kasama tayo sa limang LGU sa NCR na binigyan ng pagkilalang ito ng OCD,” ani Biazon.

Dagdag pa ni Biazon na ang pagtanggap ng award ay nangangahulugan lamang na nalampasan ng lungsod ang standard para sa establishment at functionality ng LDRRMCOs base na rin sa Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 o ang Republic Act 10121.

Pinasalamatan din ni Biazon ang MCDDRM at LDRRMC dahil sa kanilang walang humpay na pagsisikap kasabay na rin ang pagpuri kay dating alkalde ng lungsod na kanyang pinalitan at kasalukuyang Muntinlupa Representative na si Jaime Fresnedi.

Bukod sa Muntinlupa ay apat pang lungsod sa Metro Manila ang tumanggap ng pinakamataas na ‘Beyond Compliant’ award na kinabibilangan ng mga lungsod ng Parañaque, Makati, Quezon City at Malabon. James I. Catapusan