Murder case ng 5 PDEA agents: 10 suspek, kinasuhan!

Murder case ng 5 PDEA agents: 10 suspek, kinasuhan!

October 10, 2018 @ 11:59 AM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Sinampahan na ng kasong murder at frustrated murder ang mga suspek sa pagpatay sa limang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agents sa Lanao del Sur nitong Oktubre 5.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde, sinampahan na ng naturang kaso ang walong kinilalang suspek at dalawang John Does.

“Meron na pong na-identify na 10 diyan — walo at dalawang John Does. Napaylan na po ng kaso ‘yan,” ayon kay Albayalde.

Ang sampu ay mga miyembro ng grupong sangkot sa iligal na droga na naghihiganti dahil sa matagumpay anti-drug operation ng mga pulis nitong August.

“Sometime August kasi may na-operate yung PDEU (Police Drug Enforcement Unit) doon at mukang retaliation po ‘yung nangyari. Naging collateral damage yung mga agents ng PDEA,” paliwanag ni Albayalde.

Kabilang sa mga namatay sa pananambang ay sina Kenneth Tabulo, Kristine Mae Torlao, Lores Joy Amar, Binzo Dipolla at Diobel Pacinio.

Kasunod ng naganap na pagpatay, limang pulis ang na-relieve sa kanilang puwesto nang mabatid na mabilis nilang nilagpasan ang mga PDEA agents ilang sandali lamang nang maganap ang ambush.

Ipinaubaya na rin ng PNP ang imbestigasyon sa National Bureau of Imbestigation (NBI) upang maiwasan ang ‘whitewash’, ayon pa kay Albayalde./Remate News Team