Murder case vs mga parak sa ‘Bloody Sunday’ raid, ibinasura ng DOJ

Murder case vs mga parak sa ‘Bloody Sunday’ raid, ibinasura ng DOJ

January 18, 2023 @ 10:11 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Ibinasura ng panel of prosecutors ng Department of Justice ang reklamo ng pagpatay laban sa 17 pulis dahil sa pagpatay kay labor leader Emmanuel Asuncion noong 2021 sa Cavite sa tinaguriang “Bloody Sunday” raid.

Nakasaad sa 23-pahinang resolusyon ng DOJ na ibinabasura ang reklamong inihain ng asawa ni Asuncion, si Liezl, “dahil sa kakulangan ng ebidensya.”

“We lament the demise of Emmanuel Asuncion. However, complainant and the evidence she submitted failed to discharge the obligation to prove the existence of a crime and identify the perpetrators,” ayon sa resolusyon.

“In the absence of proof, there could be no probable cause to charge the respondents,” dagdag pa rito.

Inatasan din ng resolusyon na ibalik ang mga rekord sa National Bureau of Investigation-CAVIDO “para sa pagsasagawa ng karagdagang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga salarin.”

Ang resolusyon ay nilagdaan nina Senior Assistant State Prosecutor Rodan Parrocha at Assistant State Prosecutor Moises Yao Acayan.

Ang mga pinangalanang respondent sa reklamo ay sina: Tenyente Elbert Santos, Lieutenant Shay Jed Sapitula, Senior Master Sergeant Hector Cardinales, Master Sergeant Ariel Dela Cruz, Staff Sergeant Jemark Sajul, Corporal Ernie Ambuyoc, Corporal Mark John Defiesta, Corporal Arjay Garcia, Corporal Caidar Dimacangun, Corporal Bryan Sanchez, Corporal Ericson Lucido, Patrolman Jayson Maala, Patrolman Juanito Plite, Patrolman Jonathan Tatel, Patrolman Prince Benjamin Torres, Patrolman Jaime Turingan, at Patrolman Rey PJ Dacara Lopera.

Si Asuncion ay isa sa siyam na aktibistang napatay noong Marso 7, 2021 nang magsagawa ng sabay-sabay na operasyon ng pulisya ang mga awtoridad sa Calabarzon.

Sinabi ni Liezl na hindi nagpakita ng search warrant ang raiding team na pumasok sa kanilang bahay sa Cavite. Nakasuot din sila ng mga ski mask na nagpapahirap sa kanila na makilala.

Sa raid, nahiwalay si Manny kay Liezl at makalipas ang ilang minuto, narinig ang putok ng baril at natagpuang sugatan ang labor leader at kalaunan ay namatay.

Ayon sa resolusyon, “malinaw na walang nakasaksi sa sinasabing pagpatay” kay Asuncion.

“Likewise, there was also nothing that directly incriminates the respondents in killing him,” saad pa. RNT