Murder complaint vs Lambayong cops inihain na sa pagkamatay ng 3 teenager

Murder complaint vs Lambayong cops inihain na sa pagkamatay ng 3 teenager

March 13, 2023 @ 5:07 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Pinangunahan ng National Bureau of Investigation nitong Lunes, Marso 13 ang paghahain ng kasong murder sa Department of Justice laban sa mga pulis sa Lambayong, Sultan Kudarat dahil sa pagkamatay ng tatlong kabataan noong Disyembre 2022.

Mismong pamilya ng mga biktima ang naghain ng reklamong murder, falsification of public documents, at pagtatanim ng ebidensya, laban sa mga pulis kabilang si dating police chief Jenahmeel Tonaco, sa pagkamatay nina
Samanoden Mustapha, Horton Naki Ansa, at Arshad Tingao.

“‘Yun po ‘yung allegations ng PNP ay shootout, but based on the documents that we have sila po ay binaril,” ani Atty. Ronald Hallid Torres sa isang ambush interview.

Ayon sa report ng Police Regional Office 12, tatlong suspek umano na sakay ng motorsiklo ang tumakas sa checkpoint madaling araw ng Disyembre 1 na nagresulta umano sa “shootout”.

Dagdag pa ng pulisya, dinala ang mga kabataan sa Evangelista Medical Clinic and Hospital para gamutin ngunit idineklarang dead on arrival.

“Meron po tayong mga post-mortem report, meron tayong autopsy, meron tayong ballistic report kaya kumpleto po ang mga dokumento na ebidensyang magpapakita ng kanilang kasalanan,” sinabi pa ni Torres.

Sa post-mortem report, ani Torres, lumalabas na binaril ng malapitan ang tatlong binatilyo, kung saan ang isa ay binaril pa habang nakaluhod.

“Malapitan po silang binaril, yung isa sa kanila po ay nakaluohod na, ‘yung tama po ng trajectory ng bala kahit nakaluhod na po ay binaril pa rin po,” pagbabahagi ni Torres. RNT/JGC