Murder suspect, todas sa shootout!

Murder suspect, todas sa shootout!

March 28, 2022 @ 6:10 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Todas ang isang  murder suspek matapos na piliin nito na manlaban sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD)  na aaresto sa kanya  kagabi sa nasabing lungsod.

Ayon kay QCPD Director, PBGEN Remus Medina, namatay noon din ang suspek  na nakilalang si Rogelio Francisco Mata, 42 anyos, residente ng Block 5 Lot 8, Bistekville 5, Brgy. Payatas B, Q.C.,

Sa ulat ng   Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), pasado  7:00 ng gabi  (March 27), nang maganap ang insidente  sa loob mismo ng tahanan ng biktima sa nasabing barangay.

Sa imbestigasyon ni PSSg Nido Gevero Jr., ng CIDU, nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng Novaliches Police Station (PS 4), kaugnay sa naganap na  shooting incident  bandang  4:30 ng hapon noong  March 22, sa No. 8 Villareal St.,  Brgy.  Gulod, Novaliches, kung saan ay napatay ang biktimang si Kevin Delaveres ng dalawang  hindi kilalang lalaki.

Sa isinagawang operasyon ay naaresto ng PS 4 na pinamumunuan ni  PLt. Col. Richard Ian Ang ang isa sa mga suspek na nakilalang si  Arturo Dongil Borces.

Agad namang itinuga ni Borces ang kasama niya sa pamamaril na si Mata at sinabi kung saan ito matatagpuan.

Nang makuha ng mga awtoridad ang address ng tahanan ni Mata ay agad na silang nagtungo doon pero hindi pa man sila nakakalapit sa bahay ay pinaputukan na sila ng suspek.

Dahil dito ay agad nagkubli ang mga operatiba ng PS 4 at gumanti na rin ng putok ng baril na nagresulta sa pagkamatay ni Mata.

Nasamsam ng SOCO na pinamumunuan ni PSMS Federico Manzano sa crime scene ang  (1) caliber 45 LLAMA pistol; (1) caliber 45 fired cartridge case; (3) fired cartridge cases; (1) deformed fired bullet; (1) fired bullet; (2) pieces of used foil, at dalawang lighter.

Nakapiit na ang suspek na si Borces habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya.

“Nagpapasalamat ako sa tapang at dedikasyon ng ating mga tauhan sa QCPD upang maisilbi ang hustisya sa biktima, kahit na maaaring malagay pa sa alanganin ang kanilang sariling mga buhay,” pahayag ng QCPD chief. Jan Sinocruz