Murder suspek na nang-hostage sa 7 magpapamilya, tepok sa QC shootout

Murder suspek na nang-hostage sa 7 magpapamilya, tepok sa QC shootout

February 18, 2022 @ 7:41 AM 5 months ago


MANILA, Philippines – Todas ang isang murder suspek matapos na mang-hostage ng pitong miyembro ng pamilya at lumaban sa mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) na aaresto sa kanya kaninang madaling araw sa nasabing lungsod.

Kinilala ni QCPD Director PBRIG General Remus Medina ang napatay sa pangalan na Arthur Agpalo a.k.a “Eagleman”

Kinilala naman ang mga biktima na hinostage ng suspek na sina Rosalinda Dalumpines, 54 anyos, Reynan Dalumpines, 25, Ma. Salvie Dalumpines, 14, Riza Dalumpines, 12, Arjay Dalumpines, 19 , ang isang taong gulang na sanggol na si Renzo Andrei Dalumpines at Marjorie Lacumba, 21, pawang naninirahan sa No. 264 Visayas Ext., Pasong Tamo, Q.C.

Ayon kay Holy Spirit Police Station 14 (PS4) commander, PLTCOL Jeffrey Bilaro, bandang 2:50 ng madaling araw (February 17) nang maganap ang insidente sa tahanan ng mga biktima.

Lumalabas na nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng PS14 sa pangunguna ni PMAJOR Jun Fortunato sa nangyaring shooting incident noong February 14, nang may magbigay sa kanila ng impormasyon kung saan nagtatago ang mga suspek na sina alias Suysoy at Eagle man.

Hindi naman nabigo ang mga awtoridad at agad na nadakip nila si Suysoy sa kasong RA 10591 at frustrated murder sa Commonwealth Avenue pero agad namang sumakay ng Mitsubishi Pajero ang isa pang suspek na si Agpalo.

Habang papatakas ay pinaputukan pa ng baril ni Agpalo ang mga awtoridad at pagkatapos ay agad na bumaba sa getaway vehicle at inabandona sa Panopio St., Pasong Tamo sa lungsod.

Nagawa naman masundan ng kapulisan si Agpalo sa tahanan ng umano’y girlfriend nito sa No. 108 Santan St., Pasong Tamo, kung saan ay muling pinaputukan ng suspek ang mga operatiba ng PS 14.

Muling nakatakas si Agpalo sa tahanan ng kaniyang girlfriend at pumasok naman sa tahanan ng mga biktima at ginawang hostages ang pitong miyembro ng pamilya Dalumpines.

Nagawa namang mailigtas ng mga pulis ang mga biktima makaraan na mabaril si Agpalo na agad namang isinugod pinakamalapit na hospital subalit binawian din ito ng buhay. Jan Sinocruz