Muslim cemeteries sa bawat munisipalidad, lungsod isinusulong

Muslim cemeteries sa bawat munisipalidad, lungsod isinusulong

January 25, 2023 @ 4:41 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Inaprubahan ng House Committee on Muslim Affairs ang panukalang nagsususulong na magtayo ng mga Muslim cemeteries sa mga siyudad at munisiplaidad na maraming residenteng Muslim.

Dahil aprubado na sa House panel, ipapasa na ang panukala sa Plenaryo para sa kaukulang deliberasyon at pag-apruba.

Ayon kay House Committee on Muslim Affairs Chairman Lanao del Norte 1st district Rep. Mohamad Khalid Dimaporo ang inaprubahang panukala ay mula sa House Bill (HB) No.2587 na inakda nina Lanao del Sur 1st district Rep. Zia Alonto Adiong at Lanao del Sur 2nd district Rep. Yasser Alonto Balindong gayundin sa HB No.3755 na inihain ni Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman.

“The two bills have been extensively heard and tackled in previous meetings and we agreed to adopt the substitute bill to consolidate the two different versions of the measure,” paliwanag ni Dimaporo.

Una nang sinabi ni Hataman na mahalagang magkaroon ng Muslim cemetery sa mga lugar dahil sa kanilang pananampalataya ay kailangang mailibing ang pumanaw sa loob ng 24 oras, aniya, grabeng hirap ang pinagdadaanan ng mga pamilya kung wala o malayo ang Muslim cemetery sa kanilang lugar.

“Nagdadalamhati ka na sa pagkawala ng kaanak mo, dagdag na pabigat pa sa nararamdaman ang suliraning dulot kung saan sila ihihimlay. Nais nating baguhin ito sa ating panukala para magkaroon ng himlayan ang mga Muslim sa mga lungsod o munisipalidad kung saan sila naninirahan,” paliwanag ni Hataman.

Sinabi pa niya na may ilang lungsod ang mayroong Muslim Cemetery gaya ng Taguig Muslim Cemetery, Muslim Cemetery and Cultural Hall sa Maynila, Norzagaray Muslim Cemetery sa Bulacan at Montalban Islamic Cemetery sa Rizal subalit hindi rin ito sapat para sa malaking populasyon ng muslim na base sa National Commission on Muslim Filipinos (NCMF) ay nasa 12.7 milyon. Gail Mendoza