MWSS, walang pangil, inutil sa teknikalidad kaya nagka-krisis sa tubig – Villanueva

MWSS, walang pangil, inutil sa teknikalidad kaya nagka-krisis sa tubig – Villanueva

March 20, 2019 @ 2:49 PM 3 years ago


Natuklasan ni Senador Joel Villanueva sa ginanap na pagdinig sa water crisis sa Metro Manila at Rizal: walang pangil ang  regulatory office at inutil sa teknikalidad ang miyembro ng board ng Metropolitan Water and  Sewerage System (MWSS) dahil walang civil o sanitary engineer sa policy-making body.

Sa pahayag, sinabi ni Villanueva na kailangan mapunan ang pagkukulang na ito sa MWSS upang maiwasang maulit ang krisis sa tubig na lubhang naperwisyo ang mahigit 1.12 milyong household bukod sa mga negosyo.

 “Ang trabaho po ng regulator ay mag-protekta at magpulis para sa kapakanan ng taumbayan. Klaro po na sa estado ngayon, kulang sa tapang, kapos sa aksyon, at mapurol ang pangil nila. In short, madaling lusutan!” ayon kay Villanueva.

 “Dapat pinu-pulis ng Regulatory Office ang galaw ng mga water concessionaires, at kung kailangan patawan ng multa, ginagawa ito agad-agad,” dagdag niya.

Sinabi pa ni Villanueva na lubha silang nagulat nang matuklasan na wala kahit isang civil o sanitary engineer na miyembro ng board ng MWSS Board of Trustees na lantarang paglabag sa Karta ng ahensiya.

“Hindi na po tuloy nakapagtataka kung bakit malabo ang sagot sa tanong kung mayroon bang long-term na plano ang ahensya para maiwasan ang krisis sa supply ng tubig,” giit ni Villanueva.

Tinukoy ni Villanueva na lubhang nilabag ng MWSS Board of Trustees ang Section 4 ng Republic Act No. 6234 o ang MWSS Charter, na nagtakda ng mga kuwalipikasyon ng miyembro ng Board.

Sinabi ng naturang probisyon na: “The provision states that the board “shall possess any one or a combination of the following qualifications: (a) duly licensed professional of recognized competence in civil engineering and/or sanitary engineering; (b) business management and finance, and law, or (c) recognized labor leader within the ranks with sufficient training, particularly in the field of labor-management relations or corporate practice.”

Sa kasalukuyan, ayon pa kay Villanueva, kabilang sa miyembro ng Board ang anim na abogado, 2 retiradong pulis at military, isang chemical engineer.

“I think the lack of a civil or sanitation engineer in the board is one of the reasons why we are in this situation now. Kung mag-aapply nga tayo sa trabaho, hinahanapan tayo ng sapat na qualifications bago kuhanin ng kumpanya. Dapat pong masunod ang itinakda sa batas na naglalahad ng sapat na qualifications ng MWSS Board,” ayon kay Villanueva.

Ayon pa kay Villanueva, walang pangil din ang regulatory office ng MWSS dahil wala itong maipangakong hakbang upang papanagutin ang Manila Water sa nangyaring krisis.

 “When you’re the regulator, you make sure that public interest is paramount. Sa pagkakataong ito, tila interes ng concessionaire ang pinoprotektahan ng RO,” ayon kay Villanueva. Ernie Reyes