N. Samar isinailalim sa state of calamity

N. Samar isinailalim sa state of calamity

January 17, 2023 @ 4:48 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Isinailalim ang lalawigan ng Northern Samar sa state of calamitymatapos ang pag-ulan at pagbaha na nagpalikas sa 230,000 residente at naminsala sa mga taniman at imprastraktura, ayon sa mga opisyal.

Idineklara ito ng mga miyembro ng provincial board nitong Lunes sa sesyon na pinamunuan ni Vice-Governor Clarence Dato.

Nauna nang hiniling ni Governor Edwin Ongchuan sa board na magdeklara ng state of calamity, alinsunod sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.

Nakapagtala naman ang national disaster response agency ng dalawang nasawi sa lalawigan dahil sa kalamidad.

Base sa provincial disaster office, 238,322 indibidwal o 55,789 pamilya ang apektado sa bayan ng Catubig, Las Navas, Catarman, Laoang, Mondragon, at Lope de Vega

Tinatayang aabot sa ₱260 milyon ang pinsala sa imprastraktura, batay sa ulat mula sa provincial engineering office. Aabot naman sa ₱160 milyon ang pinsala sa nationally-funded infrastructure na naiulat ng Northern Samar 1st Engineering District.

Nagtamo naman ng ₱104.6 milyong pinsala sa agrikultura, batay sa ulat ng Provincial Agriculture Office.

Nakapamahagi na ang provincial government ng relief assistance na food packs at distilled water sa mga apektadong bayan. Nagbigay din ang Department of Social Welfare and Development ng karagdagang family food packs alinsunod sa hiling ng local government units.

Kasunod ng deklarasyon ng state of calamity, ipinag-utos ni Ongchuan sa provincial Trade department na bantayan ang presyo ng mga produkto at magtalaga ng price control.

Samantala, pumalo na sa 29 katao ang namatay dahil masamang panahon simula noong Enero 2.

Base sa pinakabagong. situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mayroong 8 katao ang namatay mula sa Zamboanga Peninsula, tig-7 naman mula sa Eastern Visayas at Northern Mindanao, lima mula sa Bicol, at tig-isa mula sa Davao Region at  Soccsksargen.

Tinatayang 15 mula sa 29 na bilang ng namatay ay kumpirmado habang 14 naman ang nananatiling binebepirika.

Mayroon namang apat na katao ang napaulat na nawawala habang 12 naman ang sugatan.

Sinabi ng ahensiya na may kabuuang 1,398,103 katao o 347,382 pamilya ang apektado ng masungit na panahon sa 1,956 barangay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Hanggang nitong Martes, mayroong 155,203 displaced na katao o 37,984 pamilya ang nanunuluyan sa 484 evacuation centers habang  4,193 displaced na katao  o 12,841 pamilya ang nanunuluyan sa labas ng evacuation centers.

Samantala, mayroon namang 14,150 indibiduwal o 3,092 pamilya ang “preemptively evacuated” sa Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, at Caraga dahil sa patuloy na pag-ulan.

Samantala, umabot na sa P746.5 milyon ang pinsala sa agrikultura, ayon sa tala ng Department of Agriculture- Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (DA-DRRM).

Halos 36,307 magsasaka ang apektado sa walong rehiyon sa bansa.

“Damage and losses have been reported in MIMAROPA (Mindoro, Marinduque, Romblon, and Palawan), Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, and Caraga regions… with the volume of production loss at 14,158 metric tons and 41,721 hectares of agricultural areas,” anito.

Tiniyak naman ng DA ang pagresponde sa pamamagitan ng koordinasyon sa local government units ng mga apektadong lugar, habang bineberipika pa ang pinsala sa agri-fishery. Kris Jose