Na-trap sa mga gumuhong gusali sa lindol sa Turkey-Syria, nagpapasaklolo sa text, video

Na-trap sa mga gumuhong gusali sa lindol sa Turkey-Syria, nagpapasaklolo sa text, video

February 8, 2023 @ 9:33 AM 2 months ago


TURKEY – Iniulat na nagte-text at nagpapadala ng video ang ilang na-trap sa mga gumuhong gusali sa bansang ito sa kagustuhan nilang masagip ng mga search and rescue na naghahanap sa mga survivor ng lindol.

Kasama umano sa mga pinadadalhan ng text at video ang isang mediaman na taga-Turkey.

Sinasabi umano ng mga nakulong sa mga guho kung anong gusali at lugar sila matatagpuan.

Nagiging gabay naman umano ang mga ito sa mga search and rescue na maging maingat sa pagtunton at pagkalkal sa mga biktima upang maligtas ang mga ito.

Samantala, nagpapadala na ang ibang mga bansa ng kanilang mga sari-saring tulong sa mga biktima at kasama sa mabibilis na kumilos ang United States, South Korea at Japan.

Kaugnay nito, idineklara ni Turkey President Recep Tayyip Erdogan ang 3-buwang state of emergency para sa 10 lungsod na natamaan ng lindol.

Kaugnay nito, napag-alamang may 60 Pilipino nang kabilang sa mga biktima ng lindol at gumagawa na ang pamahalaan ng mga aksyon upang maayudahan ang mga ito.

Napag-alamang may mahigit nang 5,000 ang patay kabilang na ang nasa 4,000 sa Turkey at nasa 1,600 sa Syria habang mahigit nang 20,000 ang natatagpuang sugatan mula sa libo-libong gusaling gumuho o nasira.

Sa Syria, lalo na sa Aleppo na milyones ang bilang ng mga refugee, tumutulong na ang mga pwersa ng Russia sa mga search and rescue at namimigay ng mga batayang pangangailangan ng mga biktima.

Bukod sa bangis ng lindol na tumama sa dalawang bansa, hirap na hirap umano ang lahat ng mga biktima sa sobrang lamig sa paligid dahil nataong winter o taglamig ngayon, bukod pa sa pobre nilang kalagayan bilang biktima ng mga digmaan na nilikha ng mga militante at terorista at mga dayuhang pwersa na nag-aagawan ng impluwensiya at teritoryo sa lugar. FRED CABALBAG