Naaagnas na bangkay ng bata, natagpuan sa Parañaque City

Naaagnas na bangkay ng bata, natagpuan sa Parañaque City

July 23, 2018 @ 3:31 PM 5 years ago


Parañaque City – Nadiskubre ang naaagnas na bangkay ng isang bata na tinatayang nasa edad dalawa hanggang tatlong taong gulang na nakasilid sa isang bag na itinapon sa  isang  garbage truck sa Parañaque City.

Kasalukuyang inaalam pa ang kasarian ng natagpuang bangkay ng bata na nakabalot ng plastic at sako at inilagay sa isang kulay brown na bag.

Ayon kay Parañaque City police chief Sr. Supt. Victor Rosete, patuloy pa rin ang kanilang pagsisiyasat sa naaagnas na bangkay ng bata na natagpuan ng mangangalakal na nakilala lamang sa pangalang Lolong.

Base sa salaysay ni Lolong, nangangalakal siya ng basura sa isang kulay asul na  RORO garbage truck na may markang RRB-02 na nakaparada sa kahabaan ng Dasa Avenue, Hontiveros Compound, Fourth Estate, Brgy.  San Antonio, Parañaque City nang kanyang mapuna ang isang kulay kayumanggi na bag at nang buksan niya ito ay sumambulat sa kanya ang nakakasulasok na amoy at tumabad ang naagnas na bangkay ng batang biktima.

Agad niyang tinawag ang isa ring mangangalakal na si Dedith Fabia, 48, na siya namang ini-report sa awtoridad ang naturang insidente.

Pansamantalang inilagak ang bangkay ng biktima sa Peoples Funeral morgue para isailalim sa awtopsya. (James I. Catapusan)