Naantalang pagbili ng COVID-19 vax  ‘blessing in disguise’ – Recto

Naantalang pagbili ng COVID-19 vax  ‘blessing in disguise’ – Recto

January 25, 2021 @ 8:33 AM 3 months ago

  •  
  •  
  •  

Manila, Philippines – Isa umanong “blessing in disguise” ang pagkaantala ng pagbili ng bakuna kontra coronavirus disease (COVID-19) ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto.

Punto ni Recto na halos 60 milyong dose ng COVID-19 vaccine ang naipamahagi na sa buong mundo na aniya ay may ibang datos ang ibang bansa tungkol sa pagiging epektibo ng bakuna.

“Medyo nahuli na tayo kasi ang Singapore, halimbawa, nag-umpisa niyan June, July pa,” aniya.

“This could be a blessing in disguise. Now there is more data, nakita na natin ang rollout,” dagdag ng senador.

Para kay Recto ang datos na ito ay makatutulong sa gobyernong makapili ng pinakaligtas at epektibong bakuna para sa mga Filipino.

“Tingnan nang mabuti ng DOH (Department of Health) at HTAC (Health Technology Assessment Council) yung nangyayari sa buong mundo at ikalat lahat yung data tungkol diyan so that we can make the wise decision on which is the safest and the most effective vaccine na angkop sa ating mga Pilipino,” saad nito.

Giit pa ng senador na dapat ang pinakaepektibo ang matatanggap ng mga health worker upang mapaigting ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna.

“Para magkaroon ng effective rollout, dapat uunahin natin ang mga health worker. So dapat ibigay sa kanila yung pinaka-effective, pinaka-safe na bakuna,” ani Recto.

“At kapag nakita ng ating taumbayan na yung ating mga nurse, doktor na itong bakunang ito ang ginagamit nila, mas maniniwala, magkakaroon ng kumpiyansa ang taumbayan na magpabakuna rin,” dagdag pa nito.

Target ng gobyerno na makapagbakuna ng 50 hanggang 70 milyong Filipino ngayong taon.

Inaasahan naman dumating sa bansa ang unang 50,000 dose ng COVID-19 vaccine.

Ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., bakuna ng Pfizer ang unag darating sa bansa dahil sa maaagang pamamahagi ng COVAX Facility. RNT/ELM


  •  
  •  
  •