Nadakip na suspek sa pagpatay sa pari, hindi “fall guy”

Nadakip na suspek sa pagpatay sa pari, hindi “fall guy”

June 19, 2018 @ 1:03 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Tiwala si Fr. Noel Jetajobe, tagapagsalita ng diyosesis ng Cabanatuan na hindi fall guy ang naarestong suspek sa pagpatay kay Fr.Richmond Nilo, ang paring pinaslang sa isang kapilya sa Zaragosa, Nueva Ecija.

Si  Adell Roll Milan ay naaresto sa Barangay Malapit sa San Isidro, Nueva Ecija, na itinuturong bumaril kay Fr. Nilo.

“Hindi lamang po isa meron pa silang nakuhang iba na nakuha para ma-identify ‘yung tao. Siyempre ayaw din po namin (fall guy) nun, yung ang sinabi ko sa ating provincial director mahirap naman yung ganun na mangyari sapagkat double injustice yun, namatay na si Father tapos makapagpakulong pa tayo na alam natin na walang kasalanan. Hindi rin namin gugustuhin ‘yun at siguradong si Fr. Richmond hindi rin matahimik kapag nangyari ang ganoon,”pahayag ni Fr. Jetajobe sa Radio Veritas.

Ayon pa sa pari, hindi lamang ang sinasabing ‘altar boy’ ang nag-iisang testigo ng pulisya.

Sa kasalukuyan ay isinasailalim sa counseling ang testigo dahil na rin sa ‘trauma’ sa kanyang kaligtasan kasunod na rin ng pagiging saksi sa pagkamatay ni Fr. Nilo.

Umaasa rin si Fr.Jetajobe na makakamtan na ng napaslang na pari ang katarungan bagamat pinaghahanap pa ng pulisya ang iba pang kasama ng naarestong suspek sa krimen. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)