Nadine, inalay ang award sa dyowa!

Nadine, inalay ang award sa dyowa!

December 29, 2022 @ 10:15 AM 1 month ago


Manila, Philippines – Biggest winner ang pelikulang Deleter sa ginanap na Gabi ng Parangal ng 48th Metro Manila Film Festival na ginanap sa New Frontier Theatre sa Cuba, Quezon City nitong December 27.

Ito’y makaraan ang dalawang araw mula nang magbukas sa mga sinehan ang walong opisyal na kalahok sa taunang festival.

Si Nadine Lustre ang nag-uwi ng Best Actress trophy mula sa Deleter.

Sa kanyang acceptance speech, inamin ng aktres na hindi nga raw niya aakalaing mapapasama ang nasabing pelikula sa festival.

Gayunpaman, pinasalamatan ng aktres ang Viva na nagprodyus nito, pamilya’t mga tagahanga at panghuli, ang nobyo niyang si Christophe Bariou.

Kaagad namang nagpost si Christophe ng kanyang pagiging proud of his girlfriend on Instagram.

Nilakipan niya ito ng litrato ni Nadine hawak ang kanyang tropeo and posted: “Never doubted her.”

Tinalo ni Nadine si Heaven Peralejo na earlier ay hinuhulaang mag-uuwi ng tropeo dahil sa husay ng pagganap nito mula sa pelikulang Nananahimik ang Gabi.

Dismayado naman ang marami sa pang-iisnab sa dapat sana’y nominado ring si Liza Lorena para sa nasabing kategorya.

Isa si Liza sa mga bida ng Family Matters prodyus ng Cineko Productions na naglabas din ng saloobin sa ginawang pang-iisnab ng mga MMFF jurors.

Maging ang mga bituin din doon na sina Agot Isidro at Nikki Valdez ay nagsiwalat din ng kanilang hinampo.

Kapaniwalaan na sa MMFF na ang nananalong Best Picture ang siyang nangunguna sa box office earnings hanggang sa huling araw ng pagpapalabas nito.

Ang Deleter na may kakaibang genre ang balitang kinasabikang gawin ni Nadine dahil lipas na raw siya sa mga pelikulang may itinatambal sa kanya. Ronnie Carrasco III