Manila, Philippines – Nanindigan ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na hindi inisyatibo ng gobyerno ang nagaganap na patayan partikular sa mga elected official sa bansa para bigyan katuwiran ang militarisasyon o pagdedeklara ng batas militar.
Ito ang sinabi kanina Hulyo 10, 2018 (Martes) ni PDEA Director General Aaron N. Aquino matapos itanggi na may kinalaman ang pamahalaan sa mga nagaganap na patayan.
Sa isang press conference sinabi ni Aquino na sinasakyan lamang umano ng ilang grupo ang mga nagaganap na patayan para isisi ito sa gobyerno at idikit ito sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Reaksyon ito ni Aquino hinggil sa mga nagaganap na pagpatay sa mga elected official kabilang dito ang pagpatay kay Tanauan City Mayor Antonio Halili; General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote at ang pinakahuli ay ang pagpatay kay Vice Mayor ng Trece Martires, Cavite Alex Lubigan at itinanggi na may kinalalaman dito ang gobyerno.
Sinabi pa ng PDEA chief na hindi dapat ikonek sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga ang mga nagaganap na patayan.
Pinayuhan ni Aquino ang mga local na official na maging bigilante at mapagmatyag at paigtingin ang police visibility sa kanilang mga nasasakupan.
Subalit nanindigan si Aquino na kunumpirma nito na nananatili sa kanilang listahan ang 87 na narcopolitician na pawang mga alkalde at bise alkalde na umano’y sangkot sa illegal drugs habang aabot naman sa 17 konsehal ang nasa kanilang watchlist na umano’y sangkot din sa iligal na droga.
Bagamat tumanggi ang PDEA chief na banggitin ang mga pangalan ng nga local official na nasa narcolist sinabi nito na isusumite niya kay Pangulong Duterte ang naturang listahan kapag nakumpleto na ang kanilang ginagawang validation. (Santi Celario)