NAGBAGO NA BA NG PANININDIGAN SA COP27?

NAGBAGO NA BA NG PANININDIGAN SA COP27?

November 24, 2022 @ 1:03 AM 2 months ago


SA pagtatapos ng 27th United Nations Climate Change Conference (COP27) sa Sharm El Sheikh, Egypt, nitong Linggo, nailatag ang isang makasaysayang kasunduan sa pagtatatag ng isang “loss and damage” finance facility.

Hindi pa naisapinal ang mga panuntunan, pero walang dudang mabuting hakbangin ito patungo sa tamang direksiyon upang maipataw ang climate change justice para sa pinakamaaapektuhang mga komunidad at bansa, tulad ng Pilipinas.

Salamat sa Department of Environment and Natural Resources sa pagsusulong ng “pagkakaroon ng akmang kahulugan ng ‘loss and damage’ para makabilang ang epekto ng matitinding climate events at mabagal na onset change, at saklawin ang mga pagkalugi sa larangan ng ekonomiya at hindi usaping pang-ekonomiya, at magkaroon ng mekanismo na magpopondo at magkakaloob ng suportang teknikal upang tulungan ang mga bansa na mapangasiwaan ang mga pagkalugi at pinsala.”

Sa susunod na mga panahon, sasaklawin na rin ng pondong ito ang agarang calamity relief at rehabilitasyon sa mga komunidad na apektado ng matitinding kalamidad, maging hazard pay sa mga nawalan ng trabaho.

***

Sa kabila nito, sobrang dismayado pa rin ang environmentalists at mga samahan ng climate change watchdogs dahil tikom ang bibig ng delegasyon ng Pilipinas sa usapin nang hindi na paggamit pa ng fossil fuels sa COP27.

Sinabi ni Gerry Arances, executive director ng Center for Energy, Ecology, and Development (CEED), labis pa naman ang naging pag-asam na maninindigan dito ang ating delegasyon upang masigurong makakatupad ang mundo sa target na limitahan ang pag-iinit ng mundo sa 1.5 degrees Celsius above pre-industrial temperatures, gaya ng nakasaad sa Paris Agreement.

Matagal nang ito ang paninindigan ng bansa – na pareho rin sa isinusulong ng administrasyong Marcos na mas malinis na pinanggagalingan ng enerhiya – pero parang binalewala lang ito ng ating delegasyon dahil sa pagdepende ng ating sektor ng kuryente sa fossil fuels tulad ng coal.

***

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_ View.