Naghamon ng suntukan, patay sa tarak ng katrabahong napikon

Naghamon ng suntukan, patay sa tarak ng katrabahong napikon

August 6, 2018 @ 1:35 PM 5 years ago


Manila, Philippines – Tadtad ng tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang isang chicken dealer mula sa kanyang kasamahan sa trabaho na napikon at hinamon ng suntukan kagabi sa Sta.Cruz, Maynila.

Dead on the spot ang biktimang si alyas ‘Arnel’, nasa edad 30-35, habang naaresto naman ang suspek na si Elmer Cuervo, 40, helper, kapwa stay-in sa  pinagtratrabahuhan  sa Barangay 369 Zone 37, District 7.

Sa ulat ni SPO3 Richard Escarlan kay P/Sr Inp. Rommel  Anicete, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-7:20 ng Linggo ng gabi nang maganap ang insidente sa loob ng RCG garage.

Nauna rito, nag-inuman ang biktima at suspek kasama ang apat pa nilang kasamahan sa trabaho na sina Jason Bacus, Junjun Lopez, Jupiter Cernal at Remio Godoy mula tanghali hanggang alas-5 ng hapon

Bandang alas-7 ng gabi ay nagtungo naman sa bahay ng kanilang employer sina Bacus, Lopez at Cernal  sa P.Guevarra St., Sta.Cruz, Maynila upang maghapunan.

Ayon kay Bacus, pagbalik nila sa kanilang  tinutuluyan kung saan sila stay-in ay inabutan na lamang niyang nagtatalo ang biktima at suspek  hanggang mauwi sa suntokan at pananaksak.

Tinangka namang awatin ni Bacus ang suspek subalit maging siya umano ay inambahan din ng patalim kaya nagtatakbo ito at humingi na lamang ng tulong sa ilang tao sa lugar.

Sa panayam sa suspek na ngayo’y nakakulong na sa MPD-Homicide detention cell, napikon umano ito nang hamunin siya ng suntukan ng biktima nang walang kadahi-dahilanan.

Tinamaan umano siya sa ulo kaya gumanti ito ng suntok at tinadyakan ang biktima hanggang makakuha ng patalim at pinagsasaksak sa iba’t ibang parte ng katawan.

Sa follow-up operation ng pulisya, narekober ang kutsilyo na ginamit ng suspek sa pagpatay sa biktima.

Sasampahan ng kasong murder ang suspek sa Manila Prosecutor’s Office. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)