Nagkagutay-gutay na paaralan sa pananalasa ng Karding, ipinagtaka ni Padilla

Nagkagutay-gutay na paaralan sa pananalasa ng Karding, ipinagtaka ni Padilla

October 14, 2022 @ 7:26 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Labis ang pagtataka ni Senator Robinhood Padilla nitong Huwebes, Oktubre 13 kasabay ng pagdinig ng proposed budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kung bakit tila nagkagutay-gutay ang ilang paaralan sa Nueva Ecija na dinaanan ng bagyong Karding kamakailan.

Ipinakita ni Padilla ang mga larawan partikular na ng Malimba Elementary School sa Gapan, Nueva Ecija na halos mapatag na ng bagyo.

Dahil dito ay tinanong niya ang DPWH kung substandard ba ang mga materyales na ginamit sa pagpapagawa ng paaralan, gayon ang mga bahay sa paligid nito ay maayos naman.

“Nagkagutay-gutay po yung paaralan, yun pong mga katabi niyang bahay karamihan po dyan ay walang arkitekto, walang engineer. ‘Yun pong paaralan at gym nabalikuko po lahat ang mga bakal. Parang dumaan po dyan ang kalaban ni Superman at umikot-ikot. Wala po ba tayong paraan para alamin kung ito pong mga materyal na ito ay substandard,” puna ni Padilla.

Paiimbestigahan naman umano ni DPWH Secretary Manuel Bonoan ang insidenteng ito at hindi palulusutin kung malaman na gumamit ng substandard na mga materyales.

“Kung ganito ang nangyari sa lugar na ito, kailangan po namin imbestigahan ito kung talaga pong ano ang nangyari dito. We cannot tolerate actually, hindi naman po natin papabayaan na substandard po yung ginagamit,” sagot ni Bonoan.

Dagdag naman ni Senator Francis Tolentino, nakakita rin siya ng kaparehong mga nagkagutay-gutay na istruktura sa General Tinio at San Leonardo, Nueva Ecija.

Suhestyon ni Senator Cynthia Villar, dapat alamin ng mga opisyal ng paaralan kung ang mga nasirang eskwelahan ay gawa ba ng DPWH o ng lokal na pamahalaan. RNT/JGC