Manila, Philippines – Naniniwala ang Malakanyang na may mga taong kukuha ng mga nagkalat na tarpaulin na mayroong nakasulat na “Welcome to the Philippines, Province of China”.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, puwede aniya kasing gawing pamunas ng sahig o ilagay sa kubeta ang nasabing tarpaulin.
Kung sila naman aniya ay wala silang interest na makakuha kahit na isa nito.
“Wala po kaming gagawin, pero I’m sure may mga taong nais kunin iyong tarps at gamitin. Siguro pamunas ng sahig or something or ilalagay doon sa kubeta or something, bahala na sila. Sayang naman recyclable naman iyan eh,” ani Sec. Roque.
At sa rason naman kung bakit may ganitong insidente ay sinabi ni Sec. Roque na malinaw na gusto lang galitin ng tao o mga taong nasa likod ng pagpapakalat ng tarpaulin ang pamahalaan.
Malinaw naman aniya na target ng mga itong magpakalat ng kasinungalingan at siraan ang gobyernong Duterte.
“Kasi they are obviously propagating a lie that we have given up on our national territory. It’s farthest from the truth po. Paulit ulit na sinasabi ng Presidente, paninindigan natin kung ano ang atin pero habang hindi pa nareresolba iyan, hayaan nating umusad ang ating relasyon sa Tsina doon sa mga bagay-bagay na pupuwedeng umusad lalung-lalo na sa larangan po ng ekonomiya,” lahad nito.
Samantala, bagama’t tanggap ng Pangulo ang mga ganitong gawi ng kanyang mga kalaban dahil sa umiiral na malayang pananalita sa bansa ay hindi naman aniya tama na magpalaganap ng kasinungalingan para mamahiya ng kapwa at ng bansa.
“Alam ninyo naman ang Presidente tinatanggap lahat iyang mga—lahat noong mga nais na impormasyon na ibigay ng taong bayan sa merkado ng idea dahil naniniwala po ang Presidente sa malayang pananalita. Pero siyempre po bagama’t may karapatan silang magsabi ng ganiyan eh sinisigurado ko po kasinungalingan iyan,” diing pahayag ni Sec. Roque. (Kris Jose)