Nagnenok sa kotse ni Gerald Anderson, sumuko sa NBI

Nagnenok sa kotse ni Gerald Anderson, sumuko sa NBI

February 19, 2022 @ 9:10 AM 4 months ago


MANILA, Philippines – Sumuko sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na umaming tumangay sa dalawang bag na naglalaman ng mahalagang gamit ng aktor na si Gerald Anderson.

Kinilala ng NBI ang suspek na si John Allen Dancel na kusang sumuko noong Pebrero 7 sa NBI’s Special Action Unit (NBI-SAU).

Sinabi ng NBI, sumuko si Dancel dahil na rin sa hot-pursuit operation ng ahensya laban sa kanya.

Kasama sa isinurender ni Dancel ang isang luxury bag na aniya ay ipinahawak sa isang Lianny ‘Yhang’ Carlos, dalawang mahalang relo na naibenta na umano ng halagang P150,000.

Iniharap sa Quezon City Prosecutors office sa reklamo ng ‘robbery with force on things’ sa paglabag sa Article 293 ng Revised Penal Code (RPC).

Nanatili namang pinaghahanap ng NBI sina John Louie Rosario alyas “Mark Louie” at Isagani Dela Cruz alyas “Gani,” na kapwa kasabwat sa krimen

Ayon sa NBI, Enero 30, 2022 nang sapilitang buksan ang sasakyan ng aktor na nakaparada sa parking area ng isang gym sa Quezon City.

Isang indibidwal din ang nag-hack sa coins.ph account ni Anderson gamit ang isang mobile number na pag-aari naman ni Benjamin Carreon Jr., na resident ng Barangay 254, Tondo, Manila.

Sa imbestigasyon ng NBI-SAU, na ang suspek sa likod ng pagnanakaw sa kagamitan ng aktor ay ang Tondo-Manila group, na notoryus ‘basag kotse.’

Gamit nila ang black Honda Click motorcycle at ang kulay mint green MIO I 125 motorcycle sa pagtangay sa gamit ni Anderson. Jocelyn Tabangcura-Domenden