Nagpanggap na nars na nagbebenta ng COVID vax sa soc med, live-in partner tiklo sa Pasay ops

Nagpanggap na nars na nagbebenta ng COVID vax sa soc med, live-in partner tiklo sa Pasay ops

July 8, 2021 @ 8:35 AM 1 year ago


Manila, Philippines – Arestado ang isang 35-anyos na babaeng gumamit ng pangalan ng isang nurse kasama ang kanyang live-in partner na ‘di umano’y ilegal na nagbebenta ng vaccine sa social media sa ikinasang entrapment operation kagabi (Hulyo 7) sa Pasay City.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Cesar G. Paday-os ang inarestong maglive-in partner na sina Michelle Parajes, 35, dating kasambahay, at Angelo Bonganay, 35, kapwa residente ng Malinta, Valenzuela City.

Base sa report na isinumite kay Paday-os, inaresto ang mga suspects dakong alas 6:00 ng gabi sa loob ng Jollibee-Roxas Boulevard branch, Barangay 76 Zone 10, Pasay City.

Nauna dito ay nagtungo sa Pasay City police ang isang Dayrelle Esteban, 35, isang lehitimong nurse at residente ng 183 Unit G A. Arnaiz Avenue, Pasay City, upang maghain ng reklamo na di-umano’y ginagamit ang kanyang pangalan sa ilegal na transaksyon ni Parajes sa pagbebenta ng COVID-19 vaccines sa social media.

Sa imbestigasyon ay napag-alaman pa ng pulisya na nagpanggap at ginamit ni Parajes ang pangalan ni Esteban para ilegal na makapagbenta ito ng 56 vials ng COVID-19 vaccines (AstraZeneca, Sinovac at Pfizer) sa mas mababang halaga na P120,000.

Sa pagkakataong ito ay nagpanggap namang buyer si Esteban ng ibinebentang vaccine ni Parajes kung saan ikinasa ang entrapment operation sa nabanggit na establisyimento sa pamumuno ni Paday-os na may direktang superbisyon ni IDMS officer-in-charge na si P/Lt. Dennis d. Desalisa.

Makaraang tanggapin ni Parajes ang kanyang hininging inisyal na kabayaran na nagkakahalaga ng P50,000 ay nagpakilalang pulis ang mga operatiba at agad na inaresto ang maglive-in partner.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ang mga suspects na nahaharap sa kasong R.A. 10175 (Cyber Crime Prevention Act-Chapter II, Par 3, Computer-related Identity Theft) at Article 315 ng Revised Penal Code (RPC) Estafa/Swindling. (James I. Catapusan)