Nagpanggap na Pinoy hinarang sa NAIA

Nagpanggap na Pinoy hinarang sa NAIA

January 15, 2023 @ 4:15 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Canadian na hinihinalang pekeng Pilipino.

Ayon sa ulat ni Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) acting head Ann Camille Mina, ang nasabing dayuhan, 49 anyos, ay sinita ng mga inspektor ng nasabing ahensiya matapos nitong tangkaing umalis papuntang Taiwan sa pamamagitan ng Eva Air flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Nagpakita umano ng isang pasaporte ng Pilipinas ang nasabing dayuhan ngunit naghinala ang mga opisyal ng BI dahil hindi aniya ito marunong magsalita ng Filipino o anumang dialektong Pilipino. Hindi rin niya nasagot ang mga pangunahing tanong tungkol sa kanyang pagkakakilanlan.

Sa isinagawang beripikasyon ng BI sa kanilang database, nadiskubre nila na ang suspek ay maraming biyahe sa bansa gamit ang Canadian at Hong Kong passport, at may hawak din ito ng permanent residence visa.

Sa ginawang panayam ng BI sa dayuhan, inamin umano nito na ang kanyang abogado ang nagproseso sa kanyang birth certificate para sa aplikasyon ng kanyang pasaporte.

Hinala ng mga opisyal ng BI na ang kanyang pasaporte at birth certificate ay dinoktor o dinaya lamang.

Ang suspek kalaunan ay itinurn-over sa Legal Division ng BI para sa inquest at kasuhan ng paglabag sa Philippine Immigration Act. JAY Reyes